MARCOS 1:29-39
Pagkaalis niya sa sinagoga, tumuloy si Jesus sa bahay nina Pedro at Andres, kasama sina Jaime at Juan. Doo'y nakahiga ang biyenan ni Pedro at may lagnat, at agad nila itong sinabi kay Jesus. Kaya lumapit siya hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Iniwan ng lagnat ang babae at ito mismo ang naglingkod sa kanila. Pagkalubog ng araw, nang dumilim na, dinala nila kay Jesus ang lahat ng maysakit o inaalihan ng masamang espiritu. Nasa may pintuan nga ang buong bayan. Maraming may iba't ibang sakit ang pinagaling ni Jesus at maraming demonyo ang kanyang pinalayas; ngunit hindi niya sila pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila kung sino siya. Kinabukasan, maaga siyang bumangon at umalis. Pumunta siya sa isang ilang na lugar at doon siya nanalangin. Hinanap siya nina Pedro, at pagkakita sa kanya ay kanilang sinabi: “Hinahanap ka ng lahat.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “Tayo na sa ibang lugar, sa maliliit na karatig-nayon para makapangaral din ako roon; dahil dito kaya nga ako lumabas.” At naglibot siyang nangangaral sa kanilang mga sinagoga sa buong Galilea at nagpapalayas ng mga demonyo.
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, ang pagpapagaling sa biyenang babae ni Simon, isa lamang sa maraming himalang ginawa ni Jesus. Katulad ng iba pang mga himalang ginawa Niya, isa itong “tanda” ng kanyang kapangyarihan bilang Anak ng Diyos. Pero hindi lamang kapangyarihan at karunungan ng Diyos ang nais ipakita ni Jesus sa mga tao. Kung tutuusin, hindi rin naman naalis nang tuluyan ng Panginoon ang mga sakit, mga problema at mga pagdurusa ng mga tao kahit pa nga napagtagumpayan niya ang kamatayan. Patunay lang na hindi iyon ang pangunahing dahilan ng pagiging-tao ng Anak ng Diyos. Naparito si Jesus sa mundo hindi lang upang ipakita ang kapangyarihan ng Diyos, kundi higit sa lahat, upang ipakita sa mga tao na ang Diyos ay pag-ibig. Walang hanggan ang pag-ibig ng Diyos sa bawat isa sa atin. Kahit paulit-ulit tayong nadadapa at nagkakasala, hindi Siya nanghihinawang patawarin tayo sa tuwing tayo’y nagbabalik-loob at nagsisisi. Sabi nga ni Juan Ebanghelista: “Ganito kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya’t ibinigay Niya ang Kanyang kaisa-isa at pinakamamahal na Anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa Kanya, kundi magkaroon ng buhay magpakailanman.” Kaya naman sa mga oras ng mabibigat na dagok ng buhay, pinalalakas ni San Pablo ang ating loob nang kanyang sabihing “Natitiyak kong kahit ang kamatayan at buhay… walang makapagwawalay sa atin sa pagmamahal ng Diyos.” Panginoon, salamat po sa dakilang pagmamahal na inialay mo sa akin. Hindi man po ako karapat-dapat pag-alayan ng buhay dahil sa aking paulit-ulit na pagkakasala, pero tinubos Mo ako dahil Sa’yong walang hanggang awa. Mapahalagahan ko nawa lagi ang handog mong kaligtasan hanggang katapusan. Amen.