Daughters of Saint Paul

PEBRERO 4, 2021 – HUWEBES SA IKAAPAT NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mk 6:7-13

Tinawag ni Jesus ang Labindalawa at sinimulang isugo sila nang dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihan sa mga maruruming espiritu. At sinabihan niya silang huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay kundi tungkod lamang. Walang pagkain, walang pitaka o pera sa sinturon. Nakasandalyas at may isang damit lamang. At sinabi niya sa kanila: ”Pagtuloy ninyo sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo mula roon. Kung may lugar na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal sa kanila.” At pag-alis nila, ipinangaral nila ang pagbabalik-loob. Maraming demonyo ang kanilang pinalayas at marami ring may-sakit ang kanilang pinagaling sa pagpapahid ng langis.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Dina Urciana ng IOLA ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Narinig natin sa Ebanghelyo ang pagsusugo ni Jesus sa Labindalawang alagad. Binigyan sila ni Jesus ng kapangyarihan na magpalayas ng masasamang Espiritu at magpagaling ng mga may sakit. Jesus equipped them for the mission. Pinahayo N’ya ito ng dala-dalawa, by partner. Maganda ang ginawang ito ni Jesus, kasi mahirap magmisyon na mag-isa, walang karamay sa lungkot at saya, sa tagumpay at kabiguan. Nang pinahayo ni Jesus ang labindalawa para magmisyon, may mga habilin Siya sa kanila. Anu-ano ito? Una, wag silang magdadala nang kahit ano, ni pagkain o pera. Tungkod lang ang dalhin nila, at syempre ang suot nila sa paa. At kung may magpatuloy sa kanila, aasa sila sa generosity ng mga taong nakatira dun hanggang sa kanilang pag-alis. At kapag nireject naman ang mga alagad, agad nilang ipagpag ang kanilang mga paa sa lugar na iyon at umalis sila. Naku higpit naman ng bilin ni Jesus! Magugutom, mauuhaw sa pagod ang mga alagad, gayunpaman, sumunod pa rin sa tawag ng misyon. Nagpunta sila sa iba’t ibang dako at ipinangaral ang Mabuting Balita.  Mga kapatid, sa ebanghelyong ito, ipinapakita ang katatagan at kahandaan ng mga alagad sa paglalakbay, upang maihatid ang Mabuting Balita sa iba’t ibang dako. Inialay ng mga alagad ang kanilang buhay alang-alang kay Jesus at sa misyon. At sa kanilang pagmimisyon, nagtagumpay sila dahil hindi sila pinabayaan ng Diyos. Nagpadala ang Panginoon Jesus ng mga taong aagapay at tutulong sa kanila upang maisagawa ang kanilang misyon.  

PANALANGIN

Panginoon, sa panahon ngayon, di na namin kailangang maglakbay ng malayo kagaya ng mga ginawa ng mga alagad para ihatid ang mabuting Balita.  Hayaan nyo po kaming gamitin ang modern means of communication upang maisiwalat at maibahagi ang Mabuting Balita, Amen.