Daughters of Saint Paul

PEBRERO 4, 2022 – BIYERNES SA IKAAPAT NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Magandang araw mga kapatid kay Kristo! Ito po muli si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul.Malaki ang tungkulin ng isang pinuno na magbigay ng mabuting halimbawa lalo na sa kanyang tagasunod.Malaking hamon ito lalo na sa ating panahon ngayon. Ipanalangin natin ang ating bansa lalo na sa nalalapit na national and local elections. Tungkulin ng bawat isa sa atin na gabayan ang isa’t isa tungo kay Jesus, ang Katotohanan at Buhay.Ihanda natin ang ating puso at isip sa pakikinig sa Mabuting Balita ayon kay San Markus kabanata Anim, talata labing- apat hanggang dalawamput siyam. 

EBANGHELYO: Mk 6:14-29

Nabalitaan ni Haring Herodes ang tungkol kay Jesus sapagkat tumanyag na ang kanyang pangalan. May nagsasabing nabuhay si Juan Bautista mula sa mga patay kaya nagkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan. Sinabi naman ng iba: “Si Elias nga ito,”at ng iba pa: “Ito ay isang propeta gaya ng mga ibang propeta noon.” Nang mabalitaan ito ni Herodes ay sinabi niya: “Nabuhay nga sa mga patay si Juan na pinapugutan ko ng ulo.” Si Herodes ang nagpahuli kay Juan,at ipinakadena ito sa kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe.Pinakasalan ni Herodes si Herodias at sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi ka puwedeng pumisan sa asawa ng iyong kapatid.” Talaga ngang matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin pero hindi niya magawa. Iginagalang nga ni Herodes si Juan dahil itinuturing niya itong mabuti at banal na tao, kaya pinanatili niya itong buhay. Nalilito siya matapos makinig kay Juan, gayunma’y gusto pa rin niya itong marinig. At nagkaroon ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes nang maghanda siya para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mahahalagang tao ng Galilea. Pagpasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman sa kanya si Herodes at lahat ng nasa handaan. Sinabi ng hari sa dalagita: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit na ang kalahati ng aking kaharian.” Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina: “Ano ang hihingin ko?” At sumagot ang naman ito: “Ang ulo ni Juan Bautista.” Agad niyang pinuntahan ang hari at sinabi: ”Gusto kong ibigay mo kaagad sa akin ang ulo ni Juan Bautistasa isang bandeha.” Nasaktan ang hari dahil sa sinumpaan niyang pangako sa harap ng mga bisita ngunit ayaw niyang tumanggi. Kaya inutos ng hari sa isa niyang guwardiya na dalhin ang ulo ni Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan, inilagay sa isang bandeha ang kanyang ulo, ibinigay sa dalagita, at ibinigay  naman ito ng dalagita sa kanyang ina.

PAGNINILAY

Naranasan mo na bang magalit dahil napuna ka dahil sa mali mong ginagawa? Si Herodes ay isang Hari. Dahil sa kanyang pagkamakapangyarihan, pinakasalan nya si Herodias na asawa ng kanyang kapatid. Hindi lingid sa kanyang kaalaman na ipinag-babawal sa batas ni Moises ang kanyang ginawa. Pero dahil sa kanyang pagnanasa sa asawa ng kanyang kapatid, ginamit nya ang kanyang kapangyarihan upang suwayin batas ng tao at higit sa lahat sa batas ng Dyos.    Harap harapang tinutulan ni Juan Bautista ang kalapastanganan ni Herodes. Dahil dito, nagalit si Herodias at naghintay ng pagkakataon upang wakasan ang buhay ng propetang pumuna sa kanila. Dahil dito, walang pag-aatubiling ipinapatay si Juan. Huwag nawa tayong magalit sa mga taong maaaring napapansin ang ating mga kahinaa’t kasalanang “obvious” naman sa ating pagkilos. Maging paalala nawa sa atin ang mensahe ng ebanghelyo na patuloy piliin ang tama. At kung tayo ma’y nagkamali, buong pagpapakumbaba natin itong aminin at pagsisihan. Panginoon, patawad po sa mga pagkakataong patuloy kaming nagbubulagbulagan sa harap ng aming pagkamakasalanan. Patuloy mo nawa kaming kaawaan. Amen.