Is 58:7-10 – Slm 112 – 1 Cor 2:1-5 – Mt 5:13-16
Mt 5:13-16
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapaaalat na muli? Wala na itong silbi. Itatapon na lamang at tatapakan ng mga tao.
Kayo ang ilaw ng mundo. Hindi maitatago ang lunsod na itinayo sa tuktok ng bundok. Hindi rin sinisindihan ang ilaw para takpan ng kahon, sa halip ay inilalagay ito sa isang lampara at tumatanglaw sa lahat ng nasa bahay. Gayundin naman ang inyong liwanag sa paningin ng mga tao; at makikita nila ang inyong mabubuting gawa at pupurihin nila ang inyong Amang nasa Langit.”
PAGNINILAY
Nais kong ibahagi sa inyo ang kuwento tungkol sa isang “yuppy” o young professional na nagkakaproblema sa maraming aspeto ng kanyang buhay. Galit siya, at pakiramdam niya’y bigo siya. Nang hindi na niya makayanan ang lahat, pumunta siya sa isang dalanginang-kapilya at doon ibinuhos niya ang kanyang sama ng loob sa Diyos. Sabi niya, “kahit saan ako tumingin, lagi kong nakikita ang mga taong nasasaktan at nalulungkot. Mga naulila dahil sa nagpapatuloy na patayan. Wala ka bang pakialam na marami ang naghihirap dahil sa gutom, katiwalian, pang-aabuso at pagpapabaya?” Halos ganito araw-araw ang ginagawa ng binata. Nang sa wakas napagod na siya, nasabi na lamang niya, “Diyos ko, sana naman may gawin ka kaagad!” Walang anu-ano’y tila isang tinig ang kanyang narinig, “May ginawa na ako… Nilikha kita!” Mga kapatid, sa ating pang-araw-araw na buhay, kadalasan kung sinu-sino ang sinisisi natin kapag may mga nangyayaring masama sa ating paligid. Mabilis nating hinuhusgahan at sinisisi ang ating mga lider, sibil at relihiyoso – ang ating kura paroko, ang mga opisyal ng pamahalaan, mga guro at iba pa. Pero, iilan lang ba sa atin ang buong pusong tumutugon kapag hinihingi ang ating oras, kakayahan, at kayamanan? Tila mas madali pa nga sa atin ang makakita ng dahilan, para huwag tumulong kaysa makisangkot. Kapag pinipilit tayong gumawa ng paraan, mabilis nating sinasabi, “Hindi ko trabaho ‘yan.” Mga kapatid, pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo ngayon na maging asin at ilaw ng mundo sa pamamagitan ng ating mabubuting gawain. Lahat tayo’y may kakayahang magbigay sa misyon ng simbahan, sa pamamagitan ng mga kaloob sa ating katangian. Tulad ng binata sa ating kuwento, nawawalan tayo ng pag-asa sa mga nakikita nating paghihirap sa ating paligid. Pero, hindi tayo dapat makadama ng ganito, dahil pinagkalooban tayo ng Diyos ng talento at kakayahan. At patuloy Niya tayong binibiyayaan upang maipadama sa mundong naghihirap na tunay may Diyos at kumikilos Siya sa pamamagitan natin.