EBANGHELYO: MARCOS 6:1-6
…Pumunta si Jesus sa kanyang bayan, kasama ng kanyang mga alagad. Nang sumapit ang Araw ng Pahinga, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi:”Ano’t nangyayari sa kanya ang lahat ng ito? Saan kaya galing ang karunungang ito na ipinagkaloob sa kanya, at saan din kaya galing ang mga himalang ito na nagagawa ng kanyang mga kamay? hindi ba’t siya ang karpintero? Ang anak ni Maria at kapatid nina Jaime, Jose, Simon at Judas? hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae?”At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus:”Sa kanyang sariling bayan lamang, sa sariling kamag-anakan at sambahayan hinahamak ang isang propeta.”At wala siyang ginawang himala roon. Ilang maysakit lamang ang pinagaling niya sa pagpapatong ng kamay. At namangha siya sa kawalan nila ng paniniwala.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Fr. JK Malificiar ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Minsan ka na bang sinabihan na, “Ang bias mo naman!”? Nakakabulag ang mga biases natin sa kapwa. Madalas, dahil sa bias, pinagtutuunan natin ng pansin kung ano ang mali, kung ano ang kulang, kung ano ang dapat pang gawin ng isang tao. Ito ang malungkot na karanasan ni Hesus sa ebanghelyo. Dahil lamang sa bias ng Kanyang mga kakilala at mga kamag-anak na walang awtoridad ang isang anak ng karpentero para magturo sa kanila, hindi Siya pinaniniwalaan ng mga ito.// Mga kapanalig, hindi mali ang maging kritikal sa mga gawain ng mga tao, lalong-lalo na kung hangad nati’y para sa ikabubuti ng mga ito. Kung hindi man, panahon na para tingnan natin ang ating mga sarili. Hindi tayo perpekto. Ilang beses din tayong nagkakamali. Paulit-ulit tayong gumagawa ng kasalanan. Pero si Hesus kailanma’y hindi nagiging bias sa atin. Siya’y tapat na umiibig; patuloy na umuunawa at nagpapasensya. Sa gitna ng ating mga pagkukulang sa kanya, nagtitiwala at umaasa pa rin ang Diyos sa likas nating kabutihan.// Mga kapanalig, kapag tayo’y bias sa isang tao, nakakalimutan natin na kamukha ng Diyos ang ating kapwa. Nawa ang katotohanang ito ang magbibigay inspirasyon sa atin na maging patas sa pagpuna sa mga gawain ng mga taong madalas nating mapagkamalan na walang maiambag na kabutihan, pero kung ating bigyan ng pagkakataon na kausapin at pakinggan, magugulat tayo sa umaapaw nilang kadakilaan o kabanalan.
PANALANGIN:
Panginoon, buksan po ninyo ang aming puso’t isipan upang mapansin namin ang iyong mahiwagang paggalaw sa buhay ng aming kapwa at nang amin pong makita lagi ang kanilang kabutihan. Amen.