Daughters of Saint Paul

PEBRERO 5, 2024 – Lunes sa Ikalimang Linggo ng Karaniwang Panahon | Paggunita kay Santa Agueda, dalaga at martir

BAGONG UMAGA

Isang mabiyaya at puno ng pag-asang araw ng Lunes kapatid kay Kristo!  Pasalamatan natin ang Diyos sa biyayang masilayan muli ang ganda ng panibagong araw na punong-puno ng Kanyang pagpapala at pag-asa.  Totoong every gising is a blessing!  Kaya kung nagising ka ngayon, sikapin mong mas maging mabuti at mapagmahal kesa kahapon. Kayang-kaya natin itong gawin sa tulong ng Banal na Espiritu.  Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata anim, talata limampu’t tatlo hanggang limampu’t anim.

EBANGHELYO: Mk 6:53-56

Pagkatawid ni Hesus at ng kanyang mga alagad, dumating sila sa pampang ng Genesaret at doon nila isinadsad ang bangka. Paglunsad nila ng bangka, nakilala si Hesus ng mga tagaroon at patakbo nila itong ipinamalita sa lupaing iyon. Kaya dinala nila ang mga maysakit na nasa higaan kung saan nila mabalitaang naroon siya. At saanman siya lumakad, sa mga nayon man o sa bayan o sa bukid, inilalagay nila sa mga liwasan ang mga maysakit at nakikiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Natunghayan natin sa Mabuting Balita na grabe ang determinasyon ng mga tao sa paghahanap kay Hesus. Kung iisipin natin, hindi madali para sa kanila ang magpunta sa mga karatig-bayan para dalhin ang kanilang maysakit upang mapagaling. Walang means of transportation noong panahong iyon. Marahil ay inaakay o pinapasan ng mga may malakas na katawan ang mga maysakit. Pero ang tumatak sa puso ko sa scenariong ito ay ang matibay na pananampalataya ng mga tao na lumalapit kay Hesus, maysakit man o wala. Faith is the driving force, why they willingly go through those hardships. Ang totoo, hindi lamang faith ang nag-udyok sa kanila, but also hope, and above all, love. Magkakasama lagi ang tatlong virtues na ito. Kahit isa lamang ang banggitin, ang dalawa ay laging kakabit nito.  Simple lamang ang pananampalataya ng mga tao, pero napakalalim. Kahit mahipo man lang ang laylayan ng damit ni Hesus, sapat na iyon para sa kanila. At hindi naman sila nabigo. Dahil dito, biniyayaan ni Hesus ang kanilang malalim na pananampalataya at gumaling ang mga maysakit.  Kapag malalim ang pananampalatayang nananahan sa ating puso, mararating natin ang ating mga mithiin sa buhay. Ang matibay na pananampalataya ang siyang nag uudyok sa atin na gumawa ng mga bagay, na karaniwan ay di natin kayang gawin at mapagtagumpayan kung aasa lamang tayo sa ating lakas at kakayahan.  Kapatid, anumang pagsubok ang iyong pinagdadaanan sa panahong ito, panatilihin ang iyong malalim na pananampalataya sa Poong Maykapal. Tandaan mo, si Hesus ay kasama mo sa lahat ng sandali, sa maganda o masamang kalagayan, sa saya at kalungkutan, ang Panginoon ay nasa tabi natin. Kapit lang tayo sa kanya.