Gen 1:1-19 – Slm 104 – Mk 6:53-56
Mk 6:53-56
Pagkatawid ni Jesus at ng kanyang mga alagad, dumating sila sa pampang ng Genesaret at doon nila isinadsad ang bangka. Paglunsad nila ng bangka, nakilala si Jesus ng mga tagaroon at patakbo nila itong ipinamalita sa lupaing iyon. Kaya dinala nila ang mga maysakit na nasa higaan kung saan nila mabalitaang naroon siya. At saanman siya lumakad, sa mga nayon man o sa bayan o sa bukid, inilalagay nila sa mga liwasan ang mga maysakit at nakikiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.
PAGNINILAY
Sa Ebanghelyong ating narinig, maliwanag na kumalat na sa mga bayan ng Galilea ang mga pagpapagaling ni Jesus sa mga maysakit. Marami na rin ang nakaaalam sa mga ginawa Niyang himala tulad ng pagpaparami ng tinapay. Kaya maraming tao ang naghihintay sa Kanyang pagdating, at sumusunod sila saan man Siya magpunta. Sa pagdating nila ng Kanyang mga alagad sa pampang ng Genesaret, nakakita ng pagkakataon ang mga tao roon, upang ihingi ng lunas ang mga may karamdaman. Naniniwala kasi silang gagaling ang mga maysakit, kahit mahipo man lamang nila ang laylayan ng damit ni Jesus. Mga kapatid, hindi lang noon, kundi maging sa panahon natin ngayon, napakaraming tao ang maysakit. Araw-araw, marami ang nagtetext sa akin na humihingi ng panalangin para sa kagalingan ng iba’t-ibang karamdaman. Kaya, katulad noong panahon ni Jesus, dinadagsa ang sinumang mabalitaan nilang nakapagpapagaling. Pero alalahanin natin mga kapatid na kung nakapagpapagaling man sila, ito’y hindi dahil sa kanilang sariling kakayahan. Kundi ito’y biyaya ng pagpapagaling na nagmumula sa Panginoong Jesus. Kasangkapan lamang sila ng Diyos sa gawaing ito. At totoong tanging ang Diyos lamang ang tunay na makapagdudulot sa atin ng kagalingang pisikal, at espiritwal. Siya na pinagmulan ng ating buhay, ang may ganap na kontrol ng ating pag-iral sa mundo. Kaya Niyang palawigin o paiksiin ang ating buhay ayon sa Kanyang itinakda. Hilingin natin sa Diyos ang biyaya ng kagalingan, sa lahat ng ating mga pisikal at espiritwal na karamdaman. Manalangin tayo. Panginoon, iunat Mo po sa akin ang Iyong mapagpagaling na kamay at hipuin ang bahagi ng aking katawan na may matagal nang may karamdaman. Amen.