EBANGHELYO: Mk 6:30-34
Pagbalik ng mga apostol kay Jesus, isinalaysay nila sa kanya ang lahat nilang ginawa at itinuro. Sinabi naman niya sa kanila: “Tayo na sa isang ilang na lugar para mapag-isa tayo at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Sapagkat doo’y marami ang paroo’t parito at hindi man lamang sila makakain. Kaya lumayo sila at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nakita silang umalis ng ilan at nabalitaan ito ng marami. Kaya nagtakbuhan sila mula sa kani-kanilang bayan at nauna pang dumating na lakad kaysa sa kanila. Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming tao na nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila nang matagal.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Luzviminda Agustin ng Association of Pauline Cooperators ang pagninilay sa ebanghelyo. Sinugo ni Hesus ang mga Apostol at binigyan ng kapangyarihan sa mga masasamang espiritu. Pinag-utos Niya na akaying magsisi ang mga tao, magpalayas ng maraming demonyo at magpagaling ng mga may sakit. Nang silaý bumalik, sabik nilang ibalita kay Hesus ang kanilang ginawa at ipinangaral… Maaaring hindi nila naramdaman ang pagod, dahil sa kasiyahan sa kanilang tagumpay. Maaaring gusto na nilang humayong muli at ipagpatuloy ang kanilang misyon. Pero, niyaya sila ni Hesus na pumunta sa isang ilang na lugar upang magpahinga ng kaunti. Mga kapatid, inaanyayahan rin tayo ni Hesus na magpahinga dahil napakaingay na ng ating mundo ngayon. Hindi lamang ingay na naririnig ng ating mga tainga, kundi ingay rin sa ating puso’t isipan, lalo na ngayong may pinagdadaanan tayong pandemya. Ingay ng sobrang takot at pangamba sa nakamamatay na sakit; ingay mula sa media at social media na naghahatid sa atin ng mga nakababahalang balita; ingay ng tagumpay o ng pagkabigo. Dahil sa mga ingay na ito, nababagabag ang ating kalooban, at hindi tayo makapag-isip ng tama. Kaya kinakailangan nating pumunta sa isang ilang na lugar, na kasama si Hesus upang makapagpahinga. Kailangan nating makadama ng katahimikan sa’ting kalooban sa pamamagitan ng paglayo sa ingay ng mundo. Sa tulong ng Banal na Espiritu, hingin nating pagkalooban tayo ng payapang puso at isip na handang makinig sa tinig ng Diyos na nangungusap sa kaibuturan ng ating puso, sa isang tahimik na panalangin, Amen.