Isang puspos ng pananampalatayang araw mga kapanalig! Nasa ikalimang Linggo na tayo sa Karaniwang Panahon ng Liturhiya. Ito pong muli si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang Pasalamatan natin ang Diyos sa patuloy NIyang pag-iingat at paggabay sa atin. Pakinggan natin ang Magandang Balita ayon kay San Lukas Kabanata lima, Unang talata hanggang labing-isa.
EBANGHELYO: LK 5: 1-11
Dinagsa si Jesus ng napakaraming taong nakikinig sa Salita ng Diyos at nakatayo naman siya sa baybayin ng Lawa ng Genesaret. Nakita niya noon ang dalawang bangka sa baybay. Kabababa pa lamang ng mga mangingisda mula sa mga ito para hugasan ang mga lambat. Kaya sumakay siya sa isa rito na pag-aari ni Simon at hiniling dito na lumayo ng kaunti mula sa dalampasigan. Umupo siya at mula sa bangka’y sinimulang turuan ang maraming tao. Matapos siyang magsalita, sinabi niya kay Simon: “Pumalaot ka at ihulog n’yo ang inyong mga lambat para humuli.” Ngunit sumagot si Simon: “Guro, buong magdamag kaming nagpagod at wala kaming nakuha pero dahil sinabi mo, ihuhulog ko ang mga lambat.” At nang gawin nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda kaya halos magkandasira ang kanilang mga lambat. Kaya kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka para lumapit at tulungan sila. Dumating nga ang mga ito at pinuno nila ang dalawang bangka hanggang halos lumubog ang mga iyon. Nang makita ito ni si Simon Pedro, nagpatirapa siya sa harap ni Jesus at sinabi: “Lumayo ka sa akin, Panginoon, sapagkat taong makasalanan lamang ako.” Talaga ngang nasindak siya at ang lahat niyang kasama dahil sa huli ng mga isda na nakuha nila. Gayundin naman ang mga anak ni Zebedeo na sina Jaime at Juan na nga mga kasama ni Simon. Ngunit sinabi ni Jesus kay Simon: “Huwag kang matakot; mula ngayo’y mga tao ang huhulihin mo.” Kayat nang maidaong na nila ang mga bangka sa lupa, iniwan nila ang lahat at sumunod sa kanya.
PAGNINILAY
Kadalasan tumatanggi tayo sa tawag ng Diyos. Iniisip kasi natin na hindi tayo kaparat-dapat. Sa lumang tipan po, noong tinawag ni Yahweh si Propeta Jeremias ang sagot niya ay: “Hindi ako makapagsalita, masyado pa akong bata!” Tinawag din ni Yahweh si Propeta Isaias ngunit ang tugon niya’y: “Ako’y taong may maruming bibig, hindi ako karapat-dapat.” Tinawag din si Propeta Amos at sinabi: “Panginoon, ako’y hamak na pastol lamang.”
Sa ating Ebanghelyo tinawag din si Pedro, siya’y tumugon: “Lumayo ka sa akin Panginoon, sapagkat ako’y lubhang makasalanan! (Lc 5:8).” Mga kapanalig, sa mundong ito sino ba naman ang karapat-dapat? Marahil ang mahal na birheng Maria lamang. Gayunpaman, tulad ng mga banal at santo sa ating simbahan lahat tayo’y makasalanan. Madalas nating pagdudahan ang ating kakayahang maglingkod sapagkat takot tayong mapuna ang ating kahinaan. Ngunit, kilala tayo ng Diyos nang higit kaysa sa ating sarili. Alam niyang kaya natin, kung magiging bukas lamang tayo sa kanyang grasya. (Hindi naman sa mga pari, madre at relihiyoso’t relihiyosa lamang ang tawag ng paglilingkod.) Inaanyayahang tayong maging misyonero ng kaharian ng Diyos, kahit sa ating payak na pamamaraan. Alalahanin lamang natin na bagamat makasalanan tayo, mahal tayo ng ating dakilang Diyos at Handa Siyang magtiwala sa Iyong kakayahan na maging partner Niya sa paghahatid ng Kanyang kaligtasan. Amen.