Daughters of Saint Paul

Pebrero 7, 2017 MARTES Ika-limang Linggo sa Karaniwang Panahon / Santa Juliana

 

Gen 1:20-2:4a – Slm 8 – Mk 7:1-13

Mk 7:1-13

Nagkatipon sa paligid ni Jesus ang mga Pariseo at ilan sa mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem. Napansin nila na kumakain ang ilan sa mga alagad niya nang may maruming kamay, na hindi naghuhugas ayon sa seremonya. Sinusunod nga ng mga Pariseo pati na ng mga Judio ang tradisyon ng kanilang mga ninuno at hindi sila kumakain nang hindi muna naghuhugas ng kamay. At hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito nililinis, at marami pa'ng dapat nilang tuparin, halimbawa'y ang paglilinis ng mga inuman, mga kopa at pinggang tanso.

Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at mga guro ng Batas:  “Bakit hindi isinasabuhay ng iyong mga alagad ang tradisyon ng mga ninuno? Hindi nga sila naghuhugas ng kamay bago kumain.”

At sinabi sa kanila ni Jesus:  “Tama ang propesiya ni Isaias tungkol sa inyong mga mapagkunwari. Nasusulat sa 'Pinararangalan ako ng mga ito sa kanilang labi, at malayo naman  sa akin ang kanilang mga puso. Walang silbi ang kanilang pagsamba sa akin at kautusan lamang ng tao ang kanilang itinuturo.'

 “Pinabayaan nga ninyo ang utos ng Diyos para itatag ang tradisyon ng mga tao.”

At sinabi ni Jesus:  “Mahusay na pinawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos para tuparin ang inyong tradisyon.  Sinabi nga ni Moises:  'Igalang mo ang iyong ama at ina,' at 'patayin ang sinumang susumpa sa kanyang ama o ina.' Ngunit sinasabi n'yo na kung may magsasabi sa kanyang ama o ina, 'Inialay na ang puwede kong itulong sa inyo,' wala na siyang magagawang anuman—ayon sa palagay ninyo—para sa kanyang ama at ina. Kaya pinawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa tulong ng sarili n'yong tradisyon. At marami pa ang mga ginagawa ninyong ganito.” 

PAGNINILAY

Mga kapatid, pinapaalalahan tayo ng Ebanghelyong narinig natin, na kailangang dumaloy sa ating buhay pakikipagkapwa-tao, ang bunga ng ating pagdarasal at pananampalataya.  At huwag tularan ang mga Pariseo at Judio sa kanilang panlabas na pagpapatupad ng Batas, na mas mahalaga pa, kaysa sa tunay na kapakanan ng tao. Sa kanilang pagiging masigasig sa pagsunod sa Batas, naging makitid naman ang kanilang pananaw at pang-unawa sa kapwa.  Hindi nila nabigyan ng pansin ang kalagayan ng pamumuhay ng mga magsasaka at mga karaniwang mamamayan.  Naging mapanhatol sila, ayon lamang sa panlabas na kalinisan ng tao, at hindi batay sa nilalaman ng puso, na higit na mas mahalaga kay Jesus.  Pansinin natin ang ating buhay pananampalataya at pagdarasal sa Diyos.  Nakakatulong ba ito, para mas maging mabubuting tao tayo, namumuhay ayon sa kalooban ng Diyos at pag-ibig sa kapwa?  Panginoon, tulungan Mo po akong lumago sa tunay na kabanalan.  Gamitin Mo po ang hiram kong buhay ayon Sa’yong layunin.  Amen.