Daughters of Saint Paul

PEBRERO 7, 2018 MIYERKULES SA IKALIMANG LINGGO NG TAON

MARCOS 7:14-23

Tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila: ”Pakinggan ako at unawain sana ninyong lahat. Hindi ang pumapasok sa tao mula sa labas ang nakapagpaparumi sa kanya kundi ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa kanya. Makinig ang may tainga.” Pagkalayo ni Jesus sa mga tao, nang nasa bahay na siya, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol sa talinhagang ito. At sinabi niya: ”Wala rin ba kayong pang-unawa?  Hindi n'yo ba nauunawaan na sa bituka pumupunta ang anumang pumapasok sa tao mula sa labas? Sapagkat hindi  sa puso ito pumapasok kundi sa tiyan at pagkatapos ay itinatapon sa labas.” (Sa gayo'y sinabi niya  na malinis ang tanang mga pagkain.) At idinagdag niya: ”Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa tao. Sa puso nga ng tao nagmumula ang masasamang hangarin-kahalayan, pagnanakaw, pagpatay sa kapwa, pakikiapid, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kalaswaan, pagkainggit, paninira, kapalaluan, kabuktutan. Ang masasamang bagay na ito ang nagpaparumi sa tao.”

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, ang Ebanghelyong ating narinig isang patunay na lahat ng pagkain maaari nating kainin.  Walang bawal-bawal, ayon sa itinalaga ng ibang pananampalataya.  Dahil anumang pagkain, hindi nananatili sa ating katawan, lalo’t hindi pumapasok sa ating puso. Dahil matapos itong pumasok sa tiyan, itinatapon din sa labas.  Ang dapat nating bantayan at katakutan, kung ano ang pinapakain natin sa ating kamalayan, puso’t isip dahil ito ang siyang tunay na nakapagpaparumi sa atin.  Ang mga impormasyong nasasagap natin mula sa iba’t ibang instrumento ng media, social media at digital technology – mabuti man ang mga ito o masama – ang nagsisilbing pagkain ng ating kaluluwa.  Hinuhubog nito ang ating kamalayan at buong pagkatao, at malaki ang impluwensiya nito sa ating pag-uugali, pananampalataya, kultura at mga pinapahalagahan.  Kaya’t mahalagang maging matalino at responsableng media users tayo.  Maging mapili sa mga babasahin, panoorin at mga programang tatangkilin sa radio, TV, maging sa internet – dahil napakalaki ng impluwensiya nito sa paghubog ng ating kamalayan at buong pagkatao.  Kung mga basurang radio programs, babasahin at panoorin ang ating tatangkilikin – basura din ang lalabas sa atin.  Ika nga ng kasabihan, “we are what we eat.”  Kung kaya’t pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo ngayon, na suriing mabuti ang mga impormasyong pinapakain natin sa ating puso’t isipan dahil dito nagmumula ang mabuti o masama nating mga balak at mga gawa.