EBANGHELYO: MARCOS 6:14-29
Nabalitaan ni Haring Herodes ang tungkol kay Jesus sapagkat tumanyag na ang kanyang pangalan. May nagsasabing nabuhay si Juan Bautista mula sa mga patay… Sinabi naman ng iba: “Si Elias ito,” “Ito ay isang propeta gaya ng mga ibang propeta noon.” Nang mabalitaan ito ni Herodes ay sinabi niya: “Nabuhay nga sa mga patay si Juan na pinapugutan ko ng ulo.”Si Herodes ang nagpahuli kay Juan,at ipinakadena ito sa kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe.Pinakasalan ni Herodes si Herodias at sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi ka puwedeng pumisan sa asawa ng iyong kapatid.” Talaga ngang matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin pero hindi niya magawa. Iginagalang nga ni Herodes si Juan… kaya pinananatili niya itong buhay. Nalilito siya matapos makinig kay Juan, gayunma’y gusto pa rin niya itong marinig. At nagkaroon ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes nang maghanda siya… Pagpasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman sa kanya si Herodes at lahat ng nasa handaan. Sinabi ng hari sa dalagita: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit na ang kalahati ng aking kaharian.” Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina: “Ano ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan Bautista.” Agad niyang pinuntahan ang hari at sinabi: ”Gusto kong ibigay mo kaagad sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.” Nasaktan ang hari dahil sa sinumpaan niyang pangako sa harap ng mga bisita ngunit ayaw niyang tumanggi. Kaya inutos ng hari sa isa niyang guwardiya na dalhin ang ulo ni Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan, inilagay sa isang bandeha ang kanyang ulo, ibinigay naman ito ng dalagita sa kanyang ina. …
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Gaano kahalaga sa iyo ang Palabra de Honor? Kung ikaw ay nangako dapat, tuparin mo. Lalong mahirap mangako sa mga bata dahil hindi nila ito nalilimutan. Narinig natin sa Ebanghelyo na nangako si Herodes sa anak ni Herodias, na ibibigay niya ang ulo ni Juan Bautista, matapos itong masiyahan sa pagsayaw nito. Pangako na nais pa ring tuparin, kahit mali, at taliwas sa damdamin. Biktima si Juan Bautista ng maling desisyon at ng pride ni Herodes. Huwag lang mapahiya sa madla na nakarinig ng kanyang ipinangako, handang pumatay ng inosenteng tao. May alam ka ba o kakilala na katulad ni Juan Bautista? Inosente, pero pinatay? O tulad ni Herodes, na handang pumatay huwag lang mapahiya sa madla? Ipag- adya nawa tayo ng Diyos sa masasamang tao at gawaing tulad nito. Amen.