Daughters of Saint Paul

PEBRERO 7, 2022 – LUNES SA IKALIMANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Magandang buhay mga ginigiliw naming Kapanalig! Purihin ang Dios nating Mapagkalinga at Mapagmahal! Ito po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul. Pasalamatan natin ang Diyos sa Kanyang Mabuting Balita sa araw na ayon kay San Markos Kabanata anim, talata limampu’t tatlo hanggang limampu’t anim. 

EBANGHELYO: Mk 6:53-56

Pagkatawid ni Jesus at ng kanyang mga alagad, dumating sila sa pampang ng Genesaret at doon nila isinadsad ang bangka. Paglunsad nila ng bangka, nakilala si Jesus ng mga tagaroon at patakbo nila itong ipinamalita sa lupaing iyon. Kaya dinala nila ang mga maysakit na nasa higaan kung saan nila mabalitaang naroon siya. At saanman siya lumakad, sa mga nayon man o sa bayan o sa bukid, inilalagay nila sa mga liwasan ang mga maysakit at nakikiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.

PAGNINILAY

Ibinahagi ni Sr. Lines ang pagninilay natin sa Ebanghelyo. Mga kapanalig, tunay na ang Panginoong Hesus/ ang Banal na Manggagamot.  Taglay Niya ang dakilang pagmamahal/ na kusang nakapagpapagaling, mahipo lamang Siya/ o kahit na ang Kanyang balabal.  Sa narinig nating Mabuting Balita, maliwanag na kumalat na sa mga bayan ng Galilea/ ang mga pagpapagaling ni Hesus sa mga maysakit.  Marami na rin ang nakaaalam/ sa mga ginawa Niyang himala/ tulad ng pagpaparami ng tinapay. Kaya maraming tao/ ang naghihintay sa Kanyang pagdating, at sumusunod sila/ saan man Siya magpunta.  Kaya sa pagdating nila ng Kanyang mga alagad sa pampang ng Genesaret, nakakita ng pagkakataon ang mga tao roon, upang ihingi ng lunas/ ang mga may karamdaman.  Naniniwala kasi silang/ gagaling ang mga maysakit, kahit mahipo man lamang nila/ ang laylayan ng damit ni Hesus. Kapanalig, kumusta ang pananalig mo/ sa kapangyarihan ng Panginoong Hesus na magpagaling/ ngayong panahon ng pandemya?  Buo pa ba ang iyong tiwala/ na kaya Niyang hilumin ang buong mundo/ sa sakit na covid?  O nagdududa ka na rin/ sa Kanyang kapangyarihang magpagaling? Dahil halos dalawang taon na tayong nananalangin, pero patuloy pa rin ang banta/ ng sakit na covid at variants nito. Hindi pa rin tayo malayang makagala/ saan man natin gustuhin… At marami na ang nahihirapang magpatuloy sa buhay/ dahil sa abnormal na takbo ng ating buhay.   Hindi man natin batid/ ang dahilan ng Diyos/ kung bakit hinahayaan Niya pang maranasan natin/ ang mga pagsubok na dulot ng pandemya, pero manalig tayong/ may ginagawa Siyang paghihilom/ sa mundong sinira ng kayabangan ng tao.  May ginagawa Siyang pagpapanibago/ sa sangnilikhang dumaraing/ dulot ng samu’t saring pang-aabuso/ at paglapastangan ng tao sa Inang kalikasan.  Manalig tayo, that God will make all things new in His perfect time! Sama-sama tayong magsumamo, O Panginoong Hesus na aming Dakilang Manggagamot, patawarin Mo po kami/ sa pangkalahatang kasalanang/ nagawa namin Sa’yo at sa sangnilikha.  Mahabag po kayo sa amin.  Hilumin Nyo na po ang buong mundo/ sa sakit na covid at variants nito, Amen.