Daughters of Saint Paul

PEBRERO 8, 2018 HUWEBES SA IKALIMANG LINGGO NG TAON San Geronimo Emiliani, pari at Santa Josefina Bakhita, dalaga

MARCOS 7:24-30

Lumayo si Jesus patungo sa hangganan ng Tiro. Pumasok siya roon sa isang bahay at kahit na ayaw niya itong malaman ninuman, hindi ito nalihim. May isang babaeng nakabalita tungkol sa  kanya. Inaalihan ng maruming espiritu ang kanyang dalagita kaya pumunta siya at nagpatirapa sa kanyang paanan. Isa siyang paganong taga-Sirofenicia. At ipinakiusap niya kay Jesus na palayasin ang demonya sa kanyang anak.

Sinabi naman niya sa kanya:  ”Bayaan mo munang mabusog ang mga anak. Hindi tama na kunin ang ang tinapay sa mga bata at itapon sa mga tuta.” Sumagot ang babae: ”Totoo nga Ginoo, pero kinakain ng mga tuta sa  ilalim ng mesa ang mga nalalaglag mula sa mga bata.” At sinbi sa kanya ni Jesus: ”Dahil sa sinabi mong ito, lumabas na sa iyong anak na babae ang demonyo.” Kaya umuwi ang babae at nakita niya ang bata na nakahiga sa kama; lumabas na nga ang demonyo.

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyong ating narinig, kahanga-hanga ang ipinakitang pananampalataya ng paganong babaeng taga-Sirofenicia.  Kahit alam niyang wala siyang karapatang lumapit kay Jesus dahil siya’y pagano, lumapit pa rin siya para magpatirapa at magmakaawa na pagalingin ang dalagitang anak.   Hindi siya nasaktan o nawalan ng pag-asa kahit tawagin pa siyang tuta.  Tunay na naging masigasig at mababang loob siya sa harap ng Panginoon.  Kaya naman, ipinagkaloob ng Panginoong Jesus ang kanyang kahilingan na palayasin ang demonyo sa kanyang anak.  Mga kapatid, anong aral ang nais iwan sa atin ng Ebanghelyo?  Una, ang pagiging masigasig sa panalangin kahit hindi pa tinutugon ng Diyos ang ating kahilingan.  At ang ikalawa, ang pagiging bukas at mababang-loob na tanggapin anuman ang magiging kasagutan ng Panginoon sa ating panalangin.  Ika nga ng kasabihan, “Man proposes but God disposes.”  Malaya tayong hilingin sa Diyos ang anumang naisin natin, pero maging handa rin tayong tanggapin at igalang kung “Oo” o “hindi”, o maghintay pa…ang Kanyang kasagutan.  Dahil nananalig tayong ang Diyos na Maylikha sa atin ang tanging nakakaalam kung ano ang tunay na makabubuti sa atin.  Manalangin tayo.  Panginoon, dagdagan Mo po ang aking pananampalataya nang huwag akong mawawalan ng pag-asa sa gitna ng mga dinaranas na pagsubok sa buhay.  Gawin Mo po akong masigasig at mapagpakumbaba at turuan Mo po akong tanggapin at igalang anuman ang Iyong tugon sa aking kahilingan.  Amen