Daughters of Saint Paul

PEBRERO 8, 2020 – SABADO SA IKA-APAT NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: MARCOS 6:14-29

Pagbalik ng mga apostol kay Jesus, isinalaysay nila sa kanya ang lahat nilang ginawa at itinuro. Sinabi naman niya sa kanila:”Tayo na sa isang ilang na lugar para mapag-isa tayo at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Sapagkat doo’y marami ang paroo’t parito at hindi man lamang sila makakain. Kaya lumayo sila at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang lugar. Ngunit nakita silang umalis ng ilan at nabalitaan ito ng marami. Kaya nagtakbuhan sila mula sa kani-kanilang bayan at nauna pang dumating na lakad kaysa sa kanila. Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming tao na nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila nang matagal.

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sem. Mark Louise Maraan, 2nd Year Aspirant ng Society of Saint Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Mga kapatid, inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo ngayon na pagtuunang pansin ang sinasabi ng ating puso. Hayaan nyo pong umpisahan ko ang aking pagninilay sa pagbibilang. One… Two… Three… Simpleng bagay kung ating titingnan pero napakalaking paanyaya sa ating lahat. Katulad ni Yesha sa pelikulang Miracle in Cell # 7, sa tatlong bilang na iyan nag umpisa at nagwakas ang istorya ng mag – ama. Hindi lingid sa ating lahat ang pelikulang ito. Nakita natin na sa tulong ng tunay na pagmamahalan nina Joselito at Yesha, nabigyan ng pag-asa at liwanag ang mga nakakulong.  Nagkaroon muli sila ng sigla, at nakita ang liwanag sa tulong parin ng pagmamahalan ng dalawa. Hindi sila nawalan ng pag-asa, na kahit mabigat ang problemang kanilang pinagdadaanan, napapagaan ito sa pamamagitan ng kanilang pagmamahalan at paniniwala sa Diyos Ama. Ganoon rin ang mga pastol sa kanilang tupang inaalagaan. Inaaruga nila ito at minamahal nang higit sa kanilang sarili. Hindi napapagod na magmahal, alagaan at iligtas ang kanilang tupa kapag ito’y naliligaw ng landas. Katulad ng ebanghelyo ngayon, nahabag si Hesus sa mga tao dahil para silang tupang walang pastol. Kaya’t  tinuruan niya sila ng maraming bagay, na nagbigay ng pag-asa sa lahat, at naibahagi sa iba ang tunay na pagmamahal na dala ng ating Panginoong Hesukristo. Mga kapatid, kahit alam natin na tayo’y makasalanan, manalig tayo na patuloy tayong minamahal, pinapatawad at inililigtas ng ating Panginoong Hesukristo, na imahe ng isang tunay na Pastol.  Amen.