EBANGHELYO: Mk 6:53-56
Pagkatawid ni Jesus at ng kanyang mga alagad, dumating sila sa pampang ng Genesaret at doon nila isinadsad ang bangka. Paglunsad nila ng bangka, nakilala si Jesus ng mga tagaroon at patakbo nilang ipinamalita ito sa lupaing iyon. Kaya dinala nila ang mga maysakit na nasa higaan kung saan nila mabalitaang naroon siya. At saanman siya lumakad, sa mga nayon man o sa bayan o sa bukid, inilalagay nila sa mga liwasan ang mga maysakit at nakikiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.
PAGNINILAY
Mula sa Panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Naalala ko ang healing priest na si Fr. Suarez,/ nang binasa ko ang Mabuting Balita natin ngayon./ Nakadalo ako minsan sa kanyang healing mass/ at talaga namang pumila ang mga may sakit,/ ang iba nakasakay sa wheel chair na itinutulak ng kamag-anak./ Ganito rin marahil ang sitwasyon noon sa panahon ni Jesus./ Sinusundan Siya ng mga taong nais gumaling kahit saan man siya pumunta./ Sinasabi pa sa talata limamput-anim (56)/ na kahit mahipo lamang ang laylayan ng damit ni Jesus/ ay gumagaling na sila. Ang sitwasyon noon sa panahon ni Jesus ay walang pinagkaiba sa panahon natin ngayon /na lalo pang pinalala ng pandemya./ Maraming nagkasakit, ang iba nga namayapa na. / Iniwan ang pamilya na nagdadalamhati. /Kapatid, naniniwala ka bang maaari rin tayong gawing instrumento ng paghilom ng Diyos? / Sabi nga ni Pope Francis sa kanyang mensahe sa World Communications Day noong 2014,/ “Let our communication be a balm which relieves pain”./ Maraming uri ang karamdaman./ Minsan lalong pinapalala ng mababagsik na salita/ ang sakit na kanilang nararamdaman./ Noong 2020, dalawa sa kaibigan kong nakaranas ng depression,/ ang inisip nang wakasan ang kanilang buhay./ Sa tulong ng dasal at mga taong nagpadama ng pagmamahal at pang-unawa,/ nakabangon sila at ipinagpatuloy ang buhay./ Kapatid, inaanyayahan tayo ng Mabuting Balita ngayon na hayaan natin ang Diyos/ na gawin tayong mga instrumento ng paghilom at pagpapagaling. Maari nating tularan ang mga taong nagdala ng mga taong may sakit kay Jesus./ Ilapit natin sila sa Panginoon sa tulong ng ating mga dasal at mabubuting gawa. Kung minsan suporta at pang-unawa lamang ang kailangan nila/ upang patuloy na lumaban sa buhay.