Daughters of Saint Paul

PEBRERO 8, 2022 – MARTES SA IKALIMANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Magandang araw kapatid/ kapanalig!  Ito po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul. Hinihimok tayo ngayon na pagnilayan kung alin ang mas mahalaga: ang tradisyon o Mga Utos? Pakinggan natin ang tinuturo sa atin ng Mabuting Balitang ating maririnig ayon kay San Markos kabanata pito, talata isa hangang hanggang labintatlo. 

EBANGHELYO: Mk 7:1-13

Nagkatipon sa paligid ng Jesus ang mga Pariseo at ilan sa mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem. Napansin nila na kumakain ang ilan sa mga alagad niya nang may maruming kamay, na hindi naghuhugas ayon sa seremonya. Sinusunod nga ng mga Pariseo pati na ng mga Judio ang tradisyon ng kanilang mga ninuno at hindi sila kumakain nang hindi muna naghuhugas ng kamay. At hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito nililinis, at marami pa’ng dapat nilang tuparin, halimbawa’y ang paglilinis ng mga inuman, mga kopa at pinggang tanso. Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at mga guro ng Batas:”Bakit hindi isinasabuhay ng iyong mga alagad ang tradisyon ng mga ninuno? Hindi nga sila naghuhugas ng kamay bago kumain.” At sinabi sa kanila ni Jesus:”Tama ang propesiya ni Isaias tunkol sa inyong mga mapagkunwari. Nasusulat sa ‘Pinararangalan ako ng mga ito sa kanilang labi, at malayo naman  sa akin ang kanilang mga puso. Walang silbi ang kanilang pagsamba sa akin at kautusan lamang ng tao ang kanilang itinuturo.’ “Pinababayaan nga ninyo ang utos ng Diyos para itatag ang tradisyon ng mga tao.” At sinabi ni Jesus:” Mahusay na pinawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos para tuparin ang inyong tradisyon. Sinabi nga ni Moises: ‘Igalang mo ang iyong ama at ina,’ at ‘patayin ang sinumang susumpa sa kanyang ama o ina.’ Ngunit sinasabi n’yo sana kung may magsasabi sa kanyang ama o ina, ‘Inialay na ang puwede kong itulong sa inyo,’ wala na siyang magagawang anuman—ayon sa palagay ninyo—para sa kanyang ama at ina. Kaya pinawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa tulong ng sarili n’yong tradisyon. At marami pa ang mga ginagawa ninyong ganito.”                

PAGNINILAY

Sa ating Ebanghelyo ngayong araw, ipinakilala ni Hesus ang kanyang sarili bilang kaganapan ng batas at tradisyon mula sa lumang tipan. Hindi lumipas ang luma, kundi sa pagdating ni Hesus—binigyan niya ito ng kaganapan. Dahil sa pagpapakilalang ito hindi siya matanggap ng mga Pariseo’t Eskriba. Para sa kanila ang mga makasarili nilang pamamaraan pa din ang marapat tupdin at sundan. Ang ginawa ngayong araw ni Hesus sa Ebanghelyo ay maaaring paalala na rin sa atin: Ano ba ang aking mga pagpapaimbabaw? Totoo ba akong sumusunod sa liwanag at katotohanang hatid ni Hesus? Habang tayo ay nasa kalagitnaan ng Karaniwang Panahon magandang itanong sa ating sarili kung handa na ba tayong magpakumbaba at yakapin ang lahat ng katotohanang inihayag ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus?Panginoon, patagin mo ang aming mga kayabangan at pagmamataas sa buhay upang lumawak ang aming paningin na ika’y lubhang maibigin lalung-lalo na sa mga yaong hindi pinapansin, inabandona, makasalanan at mga nawawala. Amen.