Daughters of Saint Paul

PEBRERO 8, 2024 – Huwebes sa Ika-5 Linggo ng Karaniwang Panahon | San Jeronimo Emiliano; Santa Josefina Bakhita, dalaga

BAGONG UMAGA

Mapagpalayang araw ng Huwebes ginigiliw kong kapatid kay Kristo!  Ikawalo ngayon ng PEBRERO, ginugunita natin sina San Jeronimo Emiliano at Santa Josefina Bakhita na isang dalaga.  Pasalamatan natin ang Diyos sa mga banal na ito, at sa tulong ng kanilang panalangin, hilingin nating dagdagan pa ang ating pananampalataya.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata pito, talata dalawampu’t apat hanggang tatlumpu.

EBANGHELYO: Mark 7:24-30

Lumayo si Hesus patungo sa hangganan ng Tiro. Pumasok siya roon sa isang bahay at kahit na ayaw niya itong malaman ninuman, hindi ito nalihim. May isang babaeng nakabalita tungkol sa  kanya. Inaalihan ng maruming espiritu ang kanyang dalagita kaya pumunta siya at nagpatirapa sa kanyang paanan. Isa siyang paganong taga-Sirofenicia. At ipinakiusap niya kay Hesus na palayasin ang demonya sa kanyang anak.

 Sinabi naman niya sa kanya: ”Bayaan mo munang mabusog ang mga anak. Hindi tama na kunin ang ang tinapay sa mga bata at itapon sa mga tuta.” Sumagot ang babae: ”Totoo nga Ginoo, pero kinakain ng mga tuta sa  ilalim ng mesa ang mga nalalaglag mula sa mga bata.” At sinbi sa kanya ni Hesus: ”Dahil sa sinabi mong ito, lumabas na sa iyong anak na babae ang demonyo.” Kaya umuwi ang babae at nakita niya ang bata na nakahiga sa kama; lumabas na nga ang demonyo.

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Baste Gadia III ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sa Pilosopiya, itinuturo sa atin ang principle ng “space and time.” We, humans, are bounded by time and space. Pero taliwas ang kaisipang ito, pagdating sa awa at pagmamahal ng Diyos sa atin. Kailanman hindi kayang limitahan ng espasyo at oras, ang pagmamahal ng Diyos sa atin. “God’s love knows no boundary.” Mamahalin ka Niya regardless of your race, age, gender, socio-economic conditions, etc. Yan ang naranasan ng babaeng Hentil na tubong Sirofenicia. Sa ating ebanghelyo, nakita ng Panginoong Hesukristo ang dakilang pananampalataya ng babaeng Hentil, nang lumapit ito sa kanya upang hilingin ang kagalingan ng kanyang maliit na anak na babae na inaalihan ng demonyo. Dahil sa ipinakitang lakas ng loob, kapakumbabaan at pananalig ng babaeng Hentil, iginawad ng Panginoong Hesukristo, ang kagalingan ng kanyang anak. Kahit naging iskandalo pa ito sa mata ng mga Hudyo na naniniwala, na ang Awa at Pagmamahal ng Diyos ay limitado lamang para sa kanila, na bayang pinili.  Mga kapatid, huwag sana nating bigyan ng limitasyon ang pagmamahal ng Diyos para sa atin o para sa ating kapwa. Huwag natin huhusgahan ang mga taong hindi kamahal mahal sa ating paningin. Tandaan natin, na lahat naman tayo ay mahina at nagkakasala, at nangangailangan ng habag at pagmamahal ng Diyos. I-claim natin na Mahal na Mahal tayo ng Diyos. Tunay nga, “God’s love knows no boundary.”