MARCOS 7:31-37
Umalis si Jesus sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon papunta sa lawa ng Galilea. Pagdating niya sa lupain ng Decapolis, may mga nagdala sa kanya roon ng isang bingi na halos hindi makapagsalita. At hiniling nila kay Jesus na ipatong dito ang kamay. Matapos siyang ihiwalay ni Jesus sa mga tao, inilagay niya ang kanyang daliri sa tainga ng tao at dumura at saka hinipo ang kanyang dila. At tumingala siya sa Langit, nagbuntong hininga at sinabi: “Ephphata,” na ang ibig sabihi'y “Buksan.” Nabuksan ang mga tainga ng tao at biglang nakalag ang dila niyang nakabuhol kaya nakapagsalita siya nang tuwid. Tinagubilinan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman ngunit habang pinagbabawalan sila, lalo naman silang nagpapahayag. Labis na namangha ang mga tao at sinabi nila: ”Pinaiigi niya ang lahat: nakaririnig ang bingi at nakapagsasalita ang pipi.”
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, siguro wala naman talagang pormula; walang sistema o takdang paraan na sinusunod si Jesus sa pagpapagaling. Isa lamang ang hinihiling ni Jesus sa mga pinagaling Niya: “Huwag itong ipagsasabi!” Pero habang iginigiit ni Jesus ang hiling Niyang ito sa Kanyang mga pinagaling, lalo pa nilang ipinamamalita ang pagpapagaling sa kanila ni Jesus. Kaya nga kung minsan, para matiyak na kakalat ang isang tsismis, kailangang ipagbawal itong ipagsabi sa iba. Dahil lalo itong magpapatindi sa pang-uusyoso ng marami at siguradong kakalat ang tsismis. Ang Ebanghelyong narinig natin, hindi naman talaga tungkol sa pagpapagaling ni Jesus, kundi sa Kanyang kabutihan. Ayaw Niyang ipamalita nila ang ginawa Niyang pagpapagaling, dahil mas nais Niyang ibahagi nila sa iba ang kabutihang natanggap nila. Taliwas naman ito sa nakasanayang gawi nang marami sa atin, na hindi nakagagawa ng mabuti nang hindi ipinamamalita sa iba. Mga kapanalig, nais ituro sa atin ng Panginoon ang kababaang-loob sa lahat ng pagkakataon. Huwag ipamamalita ang mga nagawang kabutihan. Dahil ang Ama sa langit na nakakakita nang mga kabutihang ginagawa natin ng lihim, ang Siyang gagantimpala sa atin. Manalangin tayo. Panginoon, itulot Mo pong maging daluyan ako ng Iyong biyaya at pagpapala para sa aking kapwa. Matanto ko nawa lagi na kung nakagagawa man po ako ng mabuti, ito’y dahil sa Iyong kabutihan na dumadaloy lamang sa akin. Huwag ko nawang angkinin ang papuri at pasasalamat na nararapat lamang Sa’yo. Turuan Mo po akong gumawa ng kabutihan nang hindi ipinagmamalaki at ipinamamalita, sa halip, laging ipinagpapasalamat Sa’yo, Amen.