EBANGHELYO: MATEO 5:13-16
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapaaalat na muli? Wala na itong silbi. Itatapon na lamang at tatapakan ng mga tao. Kayo ang ilaw ng mundo. Hindi maitatago ang lunsod na itinayo sa tuktok ng bundok. Hindi rin sinisindihan ang ilaw para takpan ng kahon, sa halip ay inilalagay ito sa isang lampara at tumatanglaw sa lahat ng nasa bahay. Gayundin naman ang inyong liwanag sa paningin ng mga tao; at makikita nila ang inyong mabubuting gawa at pupurihin nila ang inyong Amang nasa Langit.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. May nabalitaan ka na bang asin na nawalan ng alat? Ayon sa mga chemist, hindi nawawalan ng lasa ang asin dahil isa ito sa mga compound na pinakasolido ang composisyon na binubuo ng sodium chloride. Pero ayon naman sa isang nakapunta na sa lawa ng Jebbul at iba pang lugar sa Timog na bahagi ng Dead Sea, meron daw doong asin na nawawalan ng lasa. Ito yong asin na naipon kasama ng maruming lupa at iba pang impurities. Kapag naulanan o nasikatan ito ng araw, nawawala ang pagkakristal nito at nagiging pulbos. Wala na itong alat kaya wala nang silbi. Maliban diyan, nasisira rin ang lupang masabuyan nito, kaya di na pwedeng taniman. Ito marahil ang dahilan kung bakit sa kalsada ito isinasaboy upang apak-apakan ng mga dumaraan.// Mga kapanalig, napakagandang pagnilayan ang impormasyong ito. Kung inihambing tayo ni Jesus sa asin, mahalagang matukoy natin kung ano ang halaga nito sa ating buhay Kristiyano. Ang asin dito sa ating lugar ay hindi kailan man nawawalan ng alat. Pero kapag ito ay nahulog o natapon sa putikan o sa basurahan, kahit may alat pa ito mandidiri na tayong pulutin ito at ihalo sa ating pagkain. Parang tayo! Nawawala o nababawasan ang ating halaga at dignidad kapag pinabayaan natin ang ating sarili na nakalugmok sa putik ng kasalanan. Mas mapalad lang tayo sa asin, dahil sa tuwing narurumihan tayo ng kasalanan, maaari tayong lumapit sa sakramento ng kumpisal upang muling manumbalik ang kalinisan. Hindi tayo kailanman pandidirihang yakapin ng Panginoon. Gumawa tayo ng kabutihan sa kapwa at mabuhay ayon sa mga turo ni Kristo upang maging inspirasyon at ilaw tayo sa ating kapwa lalo na sa mga nakararanas ng kapighatian at karimlan. Amen.