Mapayapang araw ng Miyerkules mga kapanalig! Ito po si Sr Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul . Ano nga ba ang tunay na batayan ng kalinisan o karumihan ng isang bagay? Pakinggan natin kung ano ang sinasabi ni Jesus sa Ebanghelyo ayon kay San Marko, kabanata pito, talata labing apa’t hanggang dalawampu’t tatlo.
EBANGHELYO: Mk 7:14-23
Tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila: ”Pakinggan ako at unawain sana ninyong lahat. Hindi ang pumapasok sa tao mula sa labas ang nakapagpaparumi sa kanya kundi ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa kanya. Makinig ang may tainga.” Pagkalayo ni Jesus sa mga tao, nang nasa bahay na siya, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol sa talinhagang ito. At sinabi niya: ”Wala rin ba kayong pang-unawa? Hindi n’yo ba nauunawaan na sa bituka pumupunta ang anumang pumapasok sa tao mula sa labas? Sapagkat hindi sa puso ito pumapasok kundi sa tiyan at pagkatapos ay itinatapon sa labas.” (Sa gayo’y sinabi niya na malinis ang tanang mga pagkain.) At idinagdag niya: ”Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa tao. Sa puso nga ng tao nagmumula ang masasamang hangarin-kahalayan, pagnanakaw, pagpatay sa kapwa, pakikiapid, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kalaswaan, pagkainggit, paninira, kapalaluan, kabuktutan. Ang masasamang bagay na ito ang nagpaparumi sa tao.”
PAGNINILAY
Mga kapanalig ,Mga ginigiliw kong kapatid kay Kristo, ang Mabuting Balitang narinig natin, ay isang patunay na “ hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos, kundi ang nagmumula sa kanya. “ Dahil anumang pagkaing ipinapasok natin sa bibig, hindi nananatili sa ating katawan, lalo’t hindi pumapasok sa ating puso. Dahil matapos itong pumasok sa tiyan, at magbigay nourishment sa ating katawan, idinudumi natin. Ang dapat nating bantayan ay kung ano ang lumalabas sa ating bibig dahil nanggagaling ito sa puso. Sinasabi nga sa Mateo 12:34 “Out of the abundance of the heart, the mouth speaks.” Kaya kung ano ang nilalaman ng ating puso, siya ring ating bukambibig. Sa puso nga natin nanggagaling/ ang masasamang hangarin at isipang/ nag-uudyok sa atin/ upang magkasala sa Diyos at sa ating kapwa. Kapanalig, ano ba ang nilalaman ng puso mo? At ano ang lumalabas sa bibig mo? Kapag nagsasalita ka ba, nabi-bless ang kausap mo…maraming kang taong napapasaya, na-iinspire magpakabuti, at nailalapit sa Diyos. O kabaliktaran nito ang nangyayari. Kapag nagsasalita ka, parang lason ang lumalabas sayong bibig mo– dahil puro negatibong pananaw at pananalita ang nilalaman nito, nagpapakalat ka ng fake news, at naninira ka ng kapwa… Kapanalig, inaanyayahan tayo ng Mabuting Balita ngayon/ na suriin ang sarili sa aspetong ito.