Is 7:10-14; 8:10 – Slm 40 – Heb 10:4-10 – Lk 1:26-38
Lk 1:26-38
Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng birhen.
Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya sumasaiyo ang Panginoon.”
Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito.
At sinabi ng Anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo'y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailaman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.”
Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.”
Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel.
PAGNINILAY
Wala ngang imposible sa Diyos! Ito ang napatunayan ni Maria sa Ebanghelyong narinig natin. Gusto sana niya ng tahimik na buhay kasama ni Jose. Pero pinili siya ng Diyos para sa isang misyon – ang maging ina ng Kanyang Anak. Nabagabag si Maria nang marinig ang balita ng anghel. Totoo nga kayang walang imposible sa Diyos? Sa karanasan natin, napatunayan nating talagang wala. Pero dapat ding tanungin natin kung ano nga ba ang kalooban ng Diyos. Mga kapatid, mahiwaga ang kalooban ng Diyos. Minsan, may mga nagaganap sa ating buhay na hindi natin gusto tulad ng pagkakasakit at mabibigat na problema. Sa mga pagkakataong ito, panghawakan natin ang sinabi ng anghel kay Maria: “Huwag kang matakot Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos sa iyo.” Mga kapatid totoong hindi tayo susubukin ng Diyos nang higit sa ating makakaya. Ang bawat problema at suliraning dumarating sa atin, laging may kalutasan sa tulong Niya. Totoong walang imposible sa Diyos at ipagkakaloob Niya ang ating kahilingan kung ito ang makakabuti sa atin, at naaayon sa Kanyang kalooban.