Daughters of Saint Paul

SEPTEMBER 1, 2020 – MARTES SA IKA-22 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 4:31-37

Bumaba si Jesus sa Capernaum na isang bayan ng Galilea, kung saan niya nakaugaliang magturo tuwing Araw ng Pahinga. At nagulat ang mga tao sa kanyang aral dahil nagtuturo siya nang may kapangyarihan. May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng maruming demonyo, na sumigaw nang malakas. “Ah, ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos!” “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” Pagkatapos ibulagta ng demonyo ang tao sa gitna nila, lumabas ito mula sa kanya nang hindi sinasaktan. Pagtataka ang sumalahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Nakapag-uutos siya sa maruruming espiritu nang may kapangyarihan at lakas, at lumalabas sila!” Kayat kumalat ang usap-usapan tungkol sa kanya sa lahat ng lugar sa kabayanan.

PAGNINILAY:

Mga kapatid, ang barang, kulam, lamang-lupa, engkanto at iba pang katulad nito, ay bahagi na ng maraming kultura, lalo na ng kulturang pinoy. Kaya naman sa tuwing may ipinapalabas na telenobela tungkol sa mga di pangkaraniwang pangyayari at kathang-isip na mga palabas – maraming tao ang tumatangkilik. Ang mahirap, marami sa nanonood ang walang kakayahang ihiwalay kung ano ang kathang-isip at kung ano ang totoo.  Kaya marami ang nagpapaniwala na nagkasakit at namatay ang isang tao dahil kinulam ito o binarang.  Totoo man ito o hindi, nakatitiyak tayo na gawain ito ng demonyo.  At sino mang nag-utos para barangin o gawan ng masama ang isang tao, pananagutan niya ito sa Diyos. Kadalasan inggit o kimkim na galit ang dahilan kung bakit ginagawan ng masama ang taong kagalit.  Wala man tayong kalaban-laban sa puwersa ng demonyo na maaaring manakit sa atin, batid natin na di tayo pababayaan ng Diyos kung tayo’y may pananalig sa Kanya.  Kaya para sa ating mga Kristiyano, wala tayong dapat ikatakot sa kabila ng masasamang puwersang ito.  Dahil alam natin na hindi magagapi kailan man ng kadiliman ang kabutihan.  Hindi magtatagumpay ang masama sa Diyos na Siyang lumikha ng lahat ng mabuti.  At pinatotohanan ito sa Ebanghelyong ating narinig.  Ipinakita ni Hesus na kaya Niyang pasunurin at gapiin ang masamang espiritu.  Mga kapatid, ang panalangin at malinis na kalooban ang pinakamabisang panlaban sa masama.  Magagapi lamang natin ang kasamaan at tuksong nakapaligid sa atin kung may malalim na pananalig tayo sa Diyos.  Kung tunay tayong may pananalig sa Kanya, wala tayong dapat ikatakot.  Dahil ang Diyos ang magiging lakas at tanggulan natin sa lahat ng masasamang puwersang nakapaligid sa atin.