Daughters of Saint Paul

SEPTEMBER 10, 2020 – HUWEBES SA IKA-23 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO:    Lk 6:27-38

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sinabi ko sa inyong mga nakikinig: mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, ipagdasal ninyo ang mga tumatrato sa inyo ng masama. …Kaya gawin ninyo sa mga tao ang gusto ninyong gawin nila sa inyo. Kung minamahal ninyo ang mga umiibig sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Minamahal din ng mga makasalanan ang mga nagmamahal sa kanila. Kung ginagawa ninyo ang mabuti sa mga gumagawa nito sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Iyon din ang ginagawa ng mga makasalanan. …Sa halip ay mahalin ninyo ang inyong mga kaaway; gumawa kayo ng mabuti at magpautang na walang inaasahang anuman. Kaya gagantimpalaan kayo ng malaki at magiging anak ng Kataas-taasan dahil butihin siya sa mga walang-utang-na-loob at masasama. Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain. Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag ninyong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan—isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang ibubuhos nila sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Fr. Rolly Garcia, Jr., director ng Biblical apostolate ng Archdiocese ng Manila.  Ang sabi ni Saint Aelred, Abbot: “The perfection of brotherly love lies in the love of one’s enemies”. Masusukat ang tunay na pag-ibig sa pagmamahal sa mga kaaway.  Ito na siguro ang isa sa mga pinakamahirap na utos ni Hesus.  Biruin mo, gusto niyang mahalin natin ang ating kaaway, gawan ng mabuti ang mga taong galit sa atin, sabihan ng “God bless you” ang nagmumura sa atin at ipagdasal ang nang-aapi sa atin.  Ang hirap no?  Pero, ganito dapat magmahal ang isang Kristiyano. Ito ang natatanging paraan upang maging ganap tayong mga anak ng Kataas-taasang Diyos, ang ating Amang nasa langit.//  Dagdag pa ni Saint Aelred: “We can find no greater inspiration for this than grateful remembrance of the wonderful patience of Christ”.  Wala tayong ibang titignang halimbawa kung hindi ang halimbawang bigay ni Hesus mismo.  Siya na nagtiis ng pangungutya at pananakit.  Siya na nagpasan ng krus.  Siya na isinuko ang sarili sa mga nagnanais ng kanyang kamatayan.  Siya na sa kabila ng lahat ng hirap na tinanggap mula sa kamay ng mga kaaway ay nanalangin sa kanyang Ama para sa kanila: “Ama patawarin mo sila, sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa”.//   (“Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti sa kanila”. Walang hihilingin sa atin ang Diyos na hindi natin kayang gawin.) Mga kapatid, huwag sana tayong matakot na sundin ang utos ni Hesus. Ang sabi niya: “Maging mahabagin kayo, tulad ng inyong Ama na mahabagin”.  Amen.