EBANGHELYO: Lk 6:39-42
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad ang isang talinghaga: “Puwede nga kayang akayin ng isang bulag ang isa pang bulag? Di ba’t kapwa sila mahuhulog sa kanal? Hindi hihigit sa kanyang guro ang alagad. Magiging katulad ng kanyang guro ang ganap na alagad. Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Kapatid, pahintulutan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’gayong hindi mo nga makita ang troso sa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa mata mo, at saka ka makakakitang mabuti para alisin ang puwing sa mata ng kapatid mo.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Fr. JK Malificiar ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Ikaw ba ang taong mahilig magpuna ng iyong kapwa? Sa palagay ko halos lahat naman sa atin guilty nito. May mga pagkakataon talaga minsan na hindi natin mapipigilang punahin ang ating kapwa tao. Hindi natin maiiwasan na tingnan kung ano ang hindi kanais-nais sa pag-uugali ng kapwa o punahin kahit na ang simpleng pananamit lamang nito./ Kaya isang magandang reminder sa lahat ang Mabuting Balita ngayong araw. “Charity begins at home.” Ito ang simpleng buod ng mensahe ng ating Panginoon. Ang lahat ng pagkakawang-gawa ay nagsisimula sa sarili. Hindi natin maibibigay ang wala sa atin. Mahirap tumulong kung tayo mismo ay nangangailangan din nito. Gayon din sa pagtatama sa mali ng ating kapwa. Mahirap punahin ang mali ng kapwa lalo’t alam nila na ginagawa rin natin ang maling ito. Kaya nga sinasabi ni Hesus na bago humatol ng kapwa, tingnan muna ang sarili. Walang bisa ang pagtutuwid gamit lamang ang pagpuna at paghatol. Mas mainam ang pag-gabay gamit ang mabuting halimbawa./ Minsan ng sinabi ni Pope Paul VI ang mga salitang ito sa kanyang encyclical na Evangelii Nuntiandi, ‘Modern man listens more willingly to witnesses than to teachers, and if he does listen to teachers, it is because they are witnesses.’ Mas pinakikinggan ang sinasabi ng taong matuwid at may integridad kaysa sa taong nagpapayo pero di naman nakikita ito sa kanyang sariling buhay./
PANALANGIN:
Panginoon, tulutan mo pong lalo ko pang makilala ang aking sarili. Makita ko nawa ang mga dapat kong baguhin, nang sa gayon ay maituro ko ang iyong Ebanghelyo hindi lamang sa pamamagitan ng aking mga salita, kundi sa aking mga mabubuting gawa. Amen.