Daughters of Saint Paul

SEPTEMBER 12, 2020 – SABADO SA IKA-23 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO:    Lk 6:43-49

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno nama’y hindi makapamumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat puno sa bunga nito. Hindi makapipitas ng igos mula sa tinikan ni makaaani ng ubas mula sa dawagan. Naglalabas ang taong mabuti ng mabuting bagay mula sa yaman ng kabutihan sa kanyang puso; ang masama nama’y naglalabas ng masamang bagay mula sa kanyang kasamaan. At umaapaw nga mula sa puso ang sinasabi ng bibig. Bakit pa n’yo ako tinatawag na ‘Panginoon, Panginoon,’ pero hindi n’yo naman tinutupad ang aking sinasabi? Ilalarawan ko sa inyo ang lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at tumutupad nito. May isang taong nagtayo ng bahay, na humukay ng malalim at sa batuhan inilagay ang mga pundasyon. Pagdating ng baha, hinampas ng agos ang bahay na iyon subalit wala itong lakas para yanigin iyon sapagkat mabuti ang pagkakatatag niyon. At kung may nakikinig ngunit di naman nagsasagawa, matutulad siya sa nagtayo ng bahay sa ibabaw ng lupa na wala namang pundasyon. Hinampas ito ng agos at kaagad bumagsak. Anong laki ng pagkawasak ng bahay na iyon!”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Fr. Brian Tayag ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  May kasabihan tayong mga Filipino na, “kung anong puno ay siya rin ang bunga.” Totoo nga naman. Hindi pwedeng mamunga ang manga ng santol, at ang santol nang manga. At ang pagkakakilalan sa isang tao ay nakabatay din kung sino ang tatay at nanay niya. Ngayong araw, pinaalalahanan tayo ni Hesus: Naglalabas ang taong mabuti ng mabuting bagay mula sa yaman ng kabutihan sa kanyang puso; ang masama nama’y naglalabas ng masamang bagay mula sa kanyang kasamaan. Sa ganitong diwa rin ang ipinapaabot sa atin ng kasabihang, “kung anong bukambibig ay siya rin ang laman ng dibdib.” Kapag laging sinasabi ay puro kahalayan o di kanais-nais na mga pananalita, tiyak ang pag-iisip at kalooban ng taong iyon ay mahalay. At kapag ang pahayag naman ay ukol sa mabuti at kabanalan, siguradong ang laman ng puso ay mabuti’t banal din. Kaya naman ang hamon sa atin ngayon araw ay linisin ang puso natin upang sa gayon, malinis din ang ating bibig. Hindi ba’t napakagandang isipin na kapag ang puso ng isang tao ay dalisay at busilak, namumutawi sa kanyang bibig ay pawang kabutihan din. Ang matuwid na pamumuhay ay nagmumula sa matuwid na hangarin ng isip at puso. Kaya kung puro galit ang nasa kalooban mo, galit din ang ilalabas mo. Maging isang mabuting puno nawa tayo, na nagbubunga ng matamis na bunga para sa ibang tao.  Amen.