Daughters of Saint Paul

SEPTEMBER 13, 2020 – IKA-24 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

EBANGHELYO:    Mt 18:21-35

Nagtanong si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” “Sumagot si Jesus: “Tungkol sa Kaharian ng Langit ang istoryang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang utusan. Nang simulan n’yang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili s’ya at maging alipin kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad-utang. “At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang s’ya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong n’ya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban n’ya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng ‘Bayaran mo ang utang mo!’ Nagpatirapa sa paanan n’ya ang kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ng utang ko sa iyo.’ Ngunit tumanggi s’ya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. “Labis na nalungkot ang iba nilang kapwa-lingkod nang makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. Ipinatawag naman n’ya ang opisyal at sinabi: ‘Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Di ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay n’ya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nitong lahat ang utang.” At idinagdag pa ni Jesus: ‘Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ang bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.”   

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul.  Sabi sa isang aklat na nabasa ko, “to be forgiven is the root, to forgive is the flower”. Ito ang inaasahan ng Hari na gagawin ng aliping pinatawad Niya. Mga kapatid, kapag nakaugat tayo sa Diyos na mapagmahal at mapagpatawad hindi natin kakayaning ipagkait ang kapatawaran sa ating kapwa. Sa una mahirap, lalo na kung sariwa at kumikirot pa ang sugat. Pero kung ating naisin at hingin sa Diyos ang grasya na magpatawad, tiyak na hindi Niya tayo bibiguin. Lalo Niya tayong pupuspusin ng kanyang grasya at bubusugin sa pagmamahal; mga biyayang di natin mararanasan kung mananatiling matigas ang ating mga puso dahil wika nga sa Unang Pagbasa, “ang mga mapaghiganti ay magdurusa sa paghihiganti ng Panginoon.” Hingin natin sa Diyos ang grasyang magpatawad upang mabuhay man tayo o mamatay, na kay Kristo tayo.