Daughters of Saint Paul

SEPTEMBER 14, 2020 – LUNES SA IKA-24 NA LINGGO NG TAON | Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal

EBANGHELYO:    Jn 3:13-17

Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Walang umakyat sa Langit maliban sa bumaba mula sa Langit— ang Anak ng Tao. Kagaya ng pagtataas ni Moises sa ahas sa ilang, gayundin naman kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat naniniwala sa kanya. Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang naniwala sa kanya; magkaroon nga siya ng buhay na walang hanggan. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo, kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Fr. Rolly Garcia, Jr., director ng Biblical Apostolate ng Archdiocese ng Manila ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.   “Sinasamba ka namin at pinupuri Panginoong Hesukristo, sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus tinubos mo ang sanlibutan”.// Ipinapakita sa atin ng Ebanghelyo ngayon ang dahilan kung bakit nagkatawang tao ang Panginoong Hesus at kung bakit inialay niya ang kanyang buhay sa Krus.  Pag-ibig ang dahilan ng lahat.  “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya’t ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan”.  Ang krus na dating simbolo ng kamatayan, naging simbolo ng dakilang pagmamahal nang dahil kay Hesus. Nang dahil sa pag-ibig ang Krus ay naging biyaya.// Ito ang dahilan kung bakit mayroong krus sa lahat ng ating mga simbahan, upang mapa-alalahanan tayo ng hindi matatawarang pag-ibig ng Diyos para sa atin.  Ito rin sana ang dahilan kung bakit naglalagay tayo ng mga krus sa ating mga tahanan, sa mga silid-aralan, sa mga pagamutan, sa marami pang lugar at maging sa mga kwintas of singsing na isinusuot natin sa ating mga katawan.//  Sa tuwing tumitingin tayo sa krus, maalala nawa natin na mahal na mahal tayo ng Diyos. Wala siyang ibang hangad kundi ang makasalo tayo sa kanyang buhay na walang hanggan at sa pamamagitan ng kanyang banal na krus tinubos niya ang sanlibutan. Amen.