EBANGHELYO: Jn 19:25-27
Nangakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng ina n’ya, si Mariang asawa ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa ina at sa kanyang mahal na alagad na nakatayo sa tabi, sinabi n’ya sa ina: “Babae, hayan ang anak mo!” Pagkatapos ay sinabi naman n’ya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyo’y tinanggap s’ya ng alagad sa kanila
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Vhen Liboon ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Ngayong ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Ina ng Awa o Our Lady of Sorrows, alalahanin din natin kung paanong naging Ina ng Awa si Maria sa ating buhay. Kailan yung huling pagkakataong naramdaman mo ang kanyang pagka-Ina? Kung papaanong sinasamahan tayo ni Hesus sa tuwing makakaranas tayo ng pagsubok, paghihirap at pagdurusa, gayundin ang ginagawa ni Maria bilang ating Ina. Alam natin kung paanong kalingain ng isang ina. Kung maaari nga lang sana na akuin na ng Ina ang anumang paghihirap ng kanyang anak, ay gagawin nya nang walang pag-aalinlangan. Makikita natin sa imahen ng Ina ng Awa ang pitong patalim na nakatarak sa kanyang puso. Simbolo ito ng pitong hapis na pinagdaanan nya habang sinasamahan niya si Hesus sa pagtupad ng kanyang misyong tubusin ang mundo. Mula sa pagsilang hanggang sa magsimula na si Hesus sa kanyang ministeryo, kasa-kasama niya si Maria. Hindi siya iniwan ng kanyang Ina maging sa panahong tinahak na niya ang daan ng Krus. Naging matatag si Maria para sa kanyang Anak bagama’t dinudurog ang kanyang puso sa nakikitang paghihirap ng pinakamamahal na Anak. Bago bawian ng buhay si Hesus sa krus, ibinigay niya sa atin ang kanyang Ina at inihabilin naman niya tayo kay Maria. Simula rito, naging mga anak na tayo ni Maria at nabiyayaan ng mapagkalingang pag-ibig ng makalangit na Ina.
PANALANGIN:
Panginoong Hesus, salamat po dahil ibinigay ninyo sa amin ang inyong Ina bilang aming Ina ng Awa. Matularan nawa namin ang tatag ng kanyang puso at lalim ng pananampalataya at pag-ibig sa iyo sa pagharap namin sa araw-araw na pagsubok sa buhay. Maria, aming Ina ng Awa, patuloy po ninyo kaming kupkupin sa inyong pagkalinga at gabay habang unti-unti kaming bumabangon mula sa dinanas naming krisis dahil sa Covid 19. Amen.