EBANGHELYO: Lk 7:31-35
Sinabi ni Jesus: “Ngayon, kanino ko ikukumpara ang mga tao sa kasalukuyan, at sa ano sila katulad? Para silang mga batang nakaupo sa mga plasa, at nagrereklamo ang ilan sa kanila: ‘Tinugtog namin ang plauta para sa inyo at hindi kayo sumayaw, at nang umawit naman kami ng punebre, ayaw naman ninyong umiyak.’ Ganito rin naman ang nangyari. Dumating si Juan Bautista na hindi kumakain ng tinapay ni umiinom ng alak, at ang sabi ninyo’y ‘Nasisiraan siya ng bait!’ Dumating naman ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at sinabi naman ninyong ‘Narito ang taong matakaw at lasenggo, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan.’ Gayon pa ma’y nakilala ng kanyang mga anak ang Karunungan.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Brother Braindel Cabanog ng Diocese ng Paranaque ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Sa pagbibigay ng feedback, kadalasan, mas mabilis makapag-isip ng negative kesa sa positive. Minsan pinatingin sa akin ang isang puting bond paper na may maliit na tuldok sa may bandang kanan. Tinanong ako kung ano ang aking nakita. Dali-dali kong pinuna yung maliit na tuldok. Hindi ko napansin na nakalagay lang ito sa isang puting papel na mas malaki pa sa aking napuna. Sa ating Mabuting Balita ngayon, natunghayan natin kung paanong inilarawan ni Hesus ang mga tao nung panahong iyon. Kung isa-summarize mo sa isang salita, ito ay ang pagiging “makitid.” Makitid dahil pinipili lang ng mga tao kung ano ang gusto nilang makita. Nagiging selective ang mga tao sa kung ano ang nais nilang marinig. At sa pagiging makitid, dali-dali rin ang tao sa panghuhusga. Nangyayari din kaya ito sa inyo, mga kapatid? Isang senyales ng pagiging makitid, ang self-centeredness. Ginagawang basehan ang sarili sa lahat ng kanyang napupuna. Paanyaya sa atin ng Mabuting Balita ngayon na palawakin natin ang ating pag-iisip. Sa ganitong paraan, makikita natin na ang basehan ng lahat ng bagay ay hindi ang sarili natin, kundi ang Diyos. Minsang sinabi ni San Pablo na, “nabubuhay tayo, nakakagalaw, at nagiging kung sino tayo dahil sa Diyos.” Bagamat may mga bahagi ng buhay natin na hindi natin ginusto, lagi nating tingnan ang “bigger picture” para makita natin kung paanong gumalaw ang Diyos sa ating buhay. Tandaan, lahat ng bagay ay may dahilan.
PANALANGIN:
O Diyos, turuan mo kaming tingnan ang aming sitwasyon sa kung paano mo ito tinitingnan. Amen.