Daughters of Saint Paul

SEPTEMBER 19, 2020 – SABADO SA IKA-24 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO:    Lk 8:4-15

Napakakapal nang tao ang nagkakatipon dahil pinuntahan si Jesus ng mga tao mula sa kani-kanilang mga bayan. Kaya nagsalita s’ya sa talinhaga: “Lumabas ang manghahasik para maghasik ng kanyang binhi. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabing daan …at kinain ng mga ibon sa Langit. Nahulog ang iba sa batuhan, at nang sumibol ay nalanta… Nahulog ang iba pang buto sa gitna ng tinikan, at… sinikil ito ng mga tinik. Nahulog naman ang iba pa sa matabang lupa at nang sumibol ay nagbunga ng tig-iisang daan” Pagkasabi nito’y sumigaw s’ya: “Makinig ang may tainga.” …Ito ang kahulugan ng talinhaga.  Ang binhi ang Salita ng Diyos.  Ang mga nasa tabi ng daan ang mga nakakarinig nito subalit agad namang dumarating ang diyablo; inagaw n’ya ang salita mula sa kanilang isipan upang huwag silang manalig na maligtas. Ang mga nasa batuhan ang mga nakakarinig na masayang tinatanggap ang salita. Ngunit wala silang ugat kaya sandali silang nananalig at tumitiwalag naman sa panahon ng tukso. Ang nahulog naman sa tinikan ang mga nakakarinig na sa pagpapatuloy nila’y sinikil ng mga kabalisahan, ng kayamanan at ng mga kasiyahan sa buhay kayat hindi sila nakapagbunga. Ang nahulog naman sa matabang lupa ay ang mga nakakarinig sa salita at iniingatan ito nang may dakila’t mabuting loob at nagbubunga sila sa pagtagal.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Carmel Galula ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Tawag pansin sa akin kung paano naghasik ang Maghahasik sa Ebanghelyong narinig natin ngayon. Tila yata di sanay magtanim ang Maghahasik na inilalarawan ni Hesus. Di ba kung gusto mong maging mabunga ang isang tanim, dapat doon mo ito ihahasik sa matabang lupa, para sigurado ka, na talagang magiging mabunga ito pagdating ng anihan? Di mo ito isasaboy sa kung saan-saan lang, gaya ng ginawa ng Maghahasik sa Ebanghelyo. Bagamat ito’y isang kabalintunaan, pero ito ang pamamaraan ng paghahasik ng Diyos!  Mga kapatid, sa pandemyang pinagdadaanan natin ngayon nakikita at nararamdaman mo pa ba, ang paghahasik ng grasya ng Diyos o nawawalan ka na ng pag-asa? Sa mga karanasan natin sa buhay at pananampalataya, batid natin na laging sumusugal ang Diyos para sa atin. Araw-araw syang nag hahasik ng kabutihan, pagmamahal at maraming grasyang kakailanganin natin, tanggapin o suklian man natin ito o hindi. Dahil ayon nga sa Mateo kabanata lima, talata apatnapu’t lima, “Pinasisikat niya ang kaniyang araw sa kapwa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga ganap at sa mga hindi ganap.” Ganon tayo kamahal ng Diyos, ganon sya nagtitiwala sa atin! Naway sumugal din tayo para sa Diyos. Nawa’y tumugon tayo sa panawagan ng Panginoong Hesus na, “Makinig ang may tenga.”  Amen!