Daughters of Saint Paul

SEPTEMBER 2, 2020 – MIYERKULES SA IKA-22 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 4:38-44

Pag-alis ni Jesus sa sinagoga, nagpunta siya sa bahay ni Simon. Inaapoy ng lagnat ang biyenang babae ni Simon. Kayat pinakiusapan nila siya tungkol sa kanya. Pagkayuko ni Jesus sa kanya, inutusan niya ang lagnat at nilisan siya nito. Kaagad siyang tumindig para maglingkod sa kanila.  Paglubog ng araw, dinala naman sa kanya ng lahat ng tao ang kasama nilang mga may sakit ng iba’t ibang karamdaman. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. Lumabas ang mga demonyo mula sa maraming tao at pasigaw na sinabi ng mga ito: “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit pinatahimik niya sila at di pinahihintulutang magsalita dahil alam ng mga ito na siya ang Mesiyas. Nang mag-uumaga na, lumabas si Jesus at pumunta sa isang ilang na lugar. Ngunit pinaghahanap siya ng maraming tao, at nang matagpuan siya’y sinikap nilang hadlangan na makaalis pa siya sa kanila. Pero sinabi niya sa kanila: “Dapat ko ring ipahayag ang mabuting balita ng paghahari ng Diyos sa iba pang mga bayan; ito ang dahilan kung bakit ako isinugo.” At nagpatuloy siyang mangaral sa mga sinagoga ng Judea.

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Fr. Rolly Garcia, Jr., Director ng Biblical Apostolate ng Archdiocese ng Manila ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Sa ating Ebanghelyo ngayon, napakinggan natin kung papaano ginugol ni Hesus ang kanyang maghapon upang gawin ang kalooban ng Ama. Sinimulan niya sa pamamagitan ng pagsamba sa Sinagoga sa Capernaum at tumungo siya pagkatapos sa bahay ni Simon Pedro kung saan pinagaling niya ang biyenan nito na may sakit.  Nagpaggaling siya ng maraming may sakit at nagpalaya ng maraming inaalihan ng masasamang espiritu hanggang magtakip-silim.  At kinabukasan, bago pa magbukang-liwayway sinimulan niya muli ang bagong araw sa pamamagitan ng pananalangin sa kanyang Ama.//   Punong-puno ang araw ni Hesus ano?  Ikaw, papaano mo ginugugol ang iyong maghapon? Si Hesus, inilaan ang maghapon niya para sundin ang kalooban ng Ama.  At ano ang kalooban ng Ama?  Gumaling ang mga maysakit, palayain ang mga inaalipin ng kasamaan at maipahayag ang mabuting balita ng kaligtasan sa lahat.  Ginawa ni Hesus ang lahat ng iyan sa isang maghapon.// Kapatid, bawat araw ay isang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos upang matupad natin ang kanyang kalooban.  Tulad ni Hesus, bakit hindi mo rin simulan ang araw mo na nananalangin sa Diyos:  Sundin ang loob mo, dito sa lupa para nang sa langit. Amen.