Daughters of Saint Paul

SEPTEMBER 20, 2020 – IKA-25 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

EBANGHELYO:    Mt 20:1-16

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tungkol sa nangyayari sa Kaharian ng Langit ang kuwentong ito. Maagang lumabas ang may may-ari para umupa ng mga manggagawa sa ubasan. Nakipagkasundo s’ya na tatanggap ang mga manggagawa ng isang baryang pilak isang araw, at pinapunta n’ya sila sa ubasan. “Lumabas din s’ya nang mag-iikasiyam ng umaga at nakita n’ya ang ibang mga nakatayo sa plasa na walang ginagawa. Kayat sinabi n’ya sa kanila: ‘Pumunta rin kayo sa aking ubasan at bibigyan ko kayo ng nararapat.’ At pumunta sila. “Muli s’yang lumabas kinatanghalian at nang mag-iikatlo ng hapon at gayundin ang ginawa n’ya. “Lumabas din s’ya sa huling oras ng paggawa at nakita n’ya ang iba pang nakatayo lamang. Kayat sinabi n’ya sa kanila: ‘Bakit kayo nakatayo lamang at maghapong walang ginagawa’ Sumagot sila: ‘Dahil walang umupa sa amin.’ ‘Pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.’ “Paglubog ng araw, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang tagapamahala: ‘Tawagin ang mga manggagawa at bayaran sila, mula sa huli hanggang sa una.’ Kaya lumapit ang mga dumating sa huling oras at binigyan sila ng tig-isang denaryo. Nang lumapit naman ang mga nauna, akala nila’y tatanggap sila ng mas higit pa. Ngunit tumanggap din sila ng tig-isang denaryo. Kayat pagkatanggap nila nito, nagsimula silang magreklamo sa may-ari. …“Kaya sinagot ng may-ari ang isa sa kanila: ‘Hindi ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo isang araw? Kaya tanggapin mo ang sa ‘yo at umalis ka na. Gusto ko ring bigyan ang nahuli gaya ng ibinigay ko sa ‘yo.  Wala ba akong karapatang gawin ang gusto ko sa pera ko? Bakit ka naiinggit dahil maawain ako?’ “Kaya mauna nga ang huli, at mahuhuli ang una.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Brother Braindel Cabanog ng Diocese ng Paranaque ang pagninilay sa Ebanghelyo.  May tanong ako: unfair nga ba ang buhay? Ilang beses na akong nakarinig ng kwento ng mga nakatapos ng pag-aaral pero hirap pa ring makaangat sa buhay. Meron din namang mga mabilis umasenso kahit hindi nakapagtapos. Mga kapatid, ang buhay nga ba ay tungkol lang sa dami ng credentials, o sa galing mong dumiskarte? Paalala sa atin ng Mabuting Balita ngayong Linggo na ang buhay ay hindi tungkol sa atin. Bagkus, tungkol ito sa kung sino ang nagbibigay sa atin ng buhay. Tanging Diyos lang ang nakakakita ng tunay nating pinagdadaanan, kaya hindi Sya nagkukulang sa pagbuhos sa atin ng biyaya. Naiiwasan nating magkumpara kung makikita nating mabuti at mapagbigay ang Diyos.//  

PANALANGIN:

O Diyos, tunay kang mabuti at mapagbigay. Maraming salamat po sa iyong nag-uumapaw na biyaya. Amen.