Daughters of Saint Paul

SEPTEMBER 23, 2020 – MIYERKULES SA IKA-25 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 9:1-6

Tinawag ni Jesus ang Labindalawa at binigyan sila ng lakas at kapangyarihan para supilin ang lahat ng demonyo at magpagaling ng mga sakit. Sinugo n’ya sila para ipahayag ang Kaharian ng Diyos at magbigay-lunas. Sinabi n’ya sa kanila: “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglakad, ni tungkod, ni supot, ni tinapay, ni salapi; huwag kayong magkaroon ng tigalawang bihisan. Sa alinmang bahay kayo makituloy, doon kayo tumigil hanggang sa pag-alis ninyo. Kung may hindi tatanggap sa inyo, umalis kayo sa bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal laban sa kanila.” Kaya nga lumabas sila at dumaan sa lahat ng bayan na nangangaral at nagpapagaling saanman.

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Travel light. Ito ang madalas kong marinig sa sumasakay ng eroplano na naka promo ticket. Ito rin ang paalala sa amin kapag magmimisyon kami. Ganito rin ang bilin ni Hesus sa kanyang mga alagad nang isugo Niya sila. Sabi sa talata 3, “Huwag kayong magdala ng ano man sa inyong paglakad, kahit na tungkod, supot, tinapay o salapi..” Grabe! Pero may punto si Hesus dito. Mahirap maglakad kung sobrang bigat ng dalang gamit. At hindi gaanong malakas ang impact ng Divine Providence kung laging puno ang baon. Alam nyo mga kapatid, noong temporary professed pa lamang ako, naging kasapi ako ng aming itinerant community sa Cabanatuan sa request ni Bishop Balse na mag home-to-home visitation and evangelization kami sa isang parokya. Kadalasan, may kasama kaming guide kapag dumadalaw sa mga tahanan, pero may mga pagkakataon din na wala kaming guide. Minsan, kapag wala kaming guide, wala rin kaming tiyak na makakainan ng lunch. Pero kahit minsan, hindi kami nagutom dahil laging may nag-aalok sa amin ng pagkain. Minsan nga kasapi pa ng ibang relihiyon ang nagpakain sa amin. Kadalasan din pag-uwi namin sa hapon, may nakasabit ng gulay sa pintuan ng bahay na tinutuluyan namin, bigay ng mga nadalaw na namin. Mga kapatid, ito ang tinatawag na Divine Providence. Kapag ginagawa natin ang misyong iniatas sa atin, hinding-hindi tayo magkukulang ng anuman. Tama lang ang sapat gaya ng hiling sa Unang Pagbasa, “Huwag bigyan ng kayamanan o karalitaan, ngunit bigyan ng pagkaing kinakailangan.” Manalig tayo na ibibigay ng Diyos ang ating kailangan.