EBANGHELYO:Lk 9:18-22
Minsan, mag-isang nagdarasal si Jesus at naroon din ang mga alagad. Tinanong n’ya sila: “Sino raw ako ayon sa sabi ng mga tao?” “Si Juan Bautista raw; may iba namang nagsasabing ikaw si Elias at may iba pang nagsasabi na isang propeta noong una ang nabuhay.” “Ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” Sumagot si Pedro: “Ang Mesiyas ng Diyos.” At inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kanino man. Sinabi nga ni Jesus: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga s’ya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin s’ya at muling babangon sa ikatlong araw.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Fr. JK Malificiar ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Gaano mo kakilala si Hesus? Baka naman may alam ka lang tungkol sa kanya? May alam lang tayo sa isang tao, kung galing lamang sa sinasabi ng ibang tao ang mga impormasyon natin tungkol sa kanya. Masasabi rin na hindi ito malalim, at di sapat na pundasyon, para sa isang matibay na samahan. Pero kapag kilala mo ang isang tao, ibig sabihin meron kayong malalim na ugnayan; meron kayong taimtim na pagmamasid at pakikinig sa bawat isa./ Mga kapatid, maaring marami tayong nalalaman tungkol kay Hesus. Meron tayong narinig na katekismo tungkol sa Diyos, o kaya’y nabasang mga literatura tungkol sa kanya. Pero hindi sapat ang mga nalalaman natin, sa ating ugnayan sa Panginoon. Kailangan kilala, at kinikilala natin siya! Lumalago tayo sa buhay pananampalataya, kung merong pagkukusa sa atin na kilalanin ang Diyos./ Hindi man natin lubos na makilala ang Diyos, pero, sapat na ang pagsisikap na kinikilala Siya. Hindi aksaya ng oras ang mataimtim na pakikipag-usap sa Panginoon at bukas-pusong pakikinig sa Kanyang mga salita. Isang magandang modelo ang pahayag ni Pedro tungkol kay Hesus sa ating Mabuting Balita. Marahil hindi niya lubos na nauunawaan ang pagiging Kristo ng ating Panginoon at ano ang idudulot nito sa kanyang buhay, ngunit naniniwala ito na magkakaroon lamang ng kahulugan ang lahat sa piling ni Hesus. Kaya, ikaw kapatid, sino si Hesus sa buhay mo ngayon? Ano ang pagkakilala mo sa Diyos?/
PANALANGIN:
Puspusin mo po ako ng iyong Espiritu, Panginoon, upang makilala kita ng lubusan at kasama mo, makita ko ang kahulugan ng aking buhay. Amen.