Daughters of Saint Paul

SEPTEMBER 26, 2020 – SABADO SA IKA-25 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 9:43-45

Nang lubos na nagtataka ang lahat dahil sa mga ginagawa ni Jesus, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Itanim ninyong mabuti sa inyong pandinig ang mga kataga kong ito: ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao.” Hindi nila naintindihan ang pahayag na ito at nalingid ito sa kanila upang hindi nila maunawaan. At takot naman silang magtanong sa kanya tungkol sa pahayag na ito.

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Brother Braindel Cabanog ng Diocese ng Paranaque ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Kamatayan. Sa ating buhay, ito ay isang katotohanan. Minsang binanggit ng aming propesor sa Philosophy na mula ng tayo’y isilang, nagsisimula na rin tayong mamatay. Oo nga naman, ano pa nga ba’t dun din naman ang ating hantungan? Pero araw-araw, hindi natin ito masyadong pinag-uusapan. Minsan nga, iniiwasan natin o natatakot tayo sa mga ganitong klaseng kwento. Sa ating Mabuting Balita ngayon, narinig natin kung paanong sinabi muli ni Hesus ang kanyang sasapitin pagdating ng tamang panahon. Ito ang pangalawang beses na nagsalita sya tungkol sa kanyang kamatayan. Kinuwento ito ni San Lukas sa kanyang Mabuting Balita matapos sawayin ni Hesus ang masamang espiritu at pinagaling ang batang lalaki. Ang kwentong ito ng exorcism ay paunang kwento pa lang sa magiging “exorcism” na gagawin ni Hesus sa kanyang pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay. Dito natin matutunghayan kung paano tayo tinubos sa ating mga kasalanan at tuluyang nyang tinalo ang kasamaan. Ito ang hindi maintindihan ng mga disipulo sa ating Mabuting Balita ngayon. Sa bandang huli nga, natakot pa silang magtanong tungkol dito. Mga kapatid, gusto nyo bang mapunta sa Langit? Minsang tinanong ito ng pari sa mga nagsisimba. Marami ang nagtaas ng kamay. Pero nung sinabi ng pari na hindi tayo makakapunta sa kabilang buhay kung hindi tayo mamamatay, maraming nagbaba ng kamay, para bagang ayaw pa nilang mapunta ng langit. Mga kapatid, oo, nandun na tayo sa takot na balang araw ay darating din tayo dun. Pero mawawala ang lahat ng takot kung ngayon pa lang, sumusunod na tayo sa nais ng Diyos. Nawawala ang takot natin pag sinusuportahan natin ang bawat isa patungo kay Hesus, gaya ng ginawa nila St. Cosmas at St. Damian, na ginugunita ngayon. Bukod sa paggagamot, uma-attend din sila sa mga espiritwal na pangangailangan ng mga maysakit. Akayin nawa natin ang bawat isa tungo kay Hesus.  

PANALANGIN:

O Diyos, turuan mo kaming kaibiganin imbes na matakot sa katotohanang hatid ng aming pagpanaw, upang makita namin ang tunay mong paghahari sa aming buhay dito at sa Langit na aming hantungan. Amen.