Daughters of Saint Paul

SEPTEMBER 27, 2020 – IKA-26 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

EBANGHELYO: Mt 21:28-32

Nagpatuloy si Jesus: “Ano sa palagay n’yo? May dalawang anak ang isang tao. Lumapit s’ya sa isa at sinabi: ‘Anak, pumunta ka ngayon at magtrabaho sa aking ubasan.’ Sumagot ang anak: ‘Ayoko.’ Ngunit pagkatapos ay nagbagong-isip s’ya at pumunta. Pinuntahan din ng ama ang pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot naman ang anak: ‘Opo.’ Pero hindi s’ya pumunta.” At tinanong sila ni Jesus: “Sino sa dalawang anak ang tumupad sa gusto ng ama?” “Ang una.”  “Talagang sinasabi ko sa inyo: mas nauuna sa inyo patungo sa Kaharian ng Langit ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Dumating nga si Juan para ipakita sa inyo ang daan ng kabutihan subalit hindi kayo naniwala sa kanya, samantalang naniwala naman ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Nakita n’yo ito at hindi kayo nagsisi o naniwala sa kanya.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Vhen Liboon ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Ang mga taong namuhay sa luho, kasalanan at di ayon sa batas ay kinakatawan ng unang anak na tumugon ng “Ayoko” sa iniutos ng ama, pero kalauna’y nagsisi, nagbalik-loob sa Diyos, at sumunod sa kanyang banal na kalooban. Ang ikalawang anak naman na tumugon ng “Opo” pero hindi naman nagpunta sa ubasan ay ang mga taong nagsasalita nang walang kalakip na kilos o gawa. Mga kapatid, huwag muna nating husgahan ang ikalawang anak dahil sa totoo lang, marami sa atin ang tulad ng ikalawang anak na nakapagbibitiw ng salitang hindi naman kayang pangatawanan. Ilang beses na ba tayong nagsabi ng “magbabago na ako Lord” pero paulit-ulit pa ring gumagawa ng kasalanan? Tunay na kahit gaano pa kagaling o kabanal ang nagpapahayag sa atin ng Mabuting Balita kung hindi naman bukas ang ating puso at isip na tanggapin ito, wala ring pagbabagong mangyayari. 

PANALANGIN:

Panginoon, alisin po ninyo sa aming puso ang lahat ng mga humahadlang sa amin upang mapanindigan ang pagsunod sa inyong kalooban. Turuan po ninyo kaming maging mapagkumbaba at isantabi ang walang kabuluhang pangangatwiran. Amen.