EBANGHELYO: Jn 1:47-51
Nakita ni Jesus na palapit sa kanya si Natanael at sinabi n’ya tungkol sa kanya: “Hayan ang tunay na Israelitang walang pagkukunwari.” “Paano mo ako nakilala?” “Bago pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng puno ng igos, nakita na kita.” “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” “Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.” “Talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong nakabukas ang Langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Sr. Carmel Galula ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Naniniwala ka ba sa mga Anghel? Ayon sa Katesismo ng Iglesia Katolika artikulo 328, “ang pag-iral ng mga spiritual, walang katawang mga nilalang na tinatawag na mga “anghel” ng banal na kasulatan, ay isang katotohanan ng pananampalataya. Ang patotoo ng Banal na Kasulatan ay kasing-linaw ng pagsang-ayon ng Tradisyon.” Mababasa sa Aklat ni Propeta Daniel kabanata sampu at labindalawa, ang tungkol kay San Miguel, sa Lukas isa talata siyam naman ang tungkol kay San Gabriel, at kay Tobit labindalawa talata labinlima, ang tungkol kay San Rafael. Sa ating mga karanasan, napapasambit din tayo ng “hulog ka talaga ng langit sa akin!” o “You’re an angel to me!” kapag may dumating na taong tumulong sa sandaling kailangang-kailangan natin ang tulong. Mula noong unang araw ng lockdown hanggang sa ngayon, maraming mga tao ang nagiging Anghel sa kapwa nila sa pamamagitan ng pagtulong sa anumang paraan na makatutulong sila. (Sabi nga ng lyrics sa kanta ng Alabama na may pamagat na “Angels Among Us” Oh, I believe there are angels among us. Sent down to us from somewhere up above. They come to you and me in our darkest hours. To show us how to live, to teach us how to give. To guide us with the light of love.”) Yes! Katulad nina San Miguel, San Gabriel at San Rafael, pwede din tayo maging instrumento ng kabutihan at pagmamahal ng Diyos sa ating kapwa. Maliit man ang kaya nating magawa para sa iba, kung ito’y bukal sa ating puso, siguradong makapapawi ito sa pait, sakit at dalamhati na nararanasan ng buong mundo ngayon, dulot ng pandemya. Nawa, paunlakan natin ang Diyos sa araw na ito, na maging Anghel para sa iba, Amen!