EBANGHELYO: Lk 5:1-11
Dinagsa si Jesus ng napakaraming taong nakikinig sa Salita ng Diyos at nakatayo naman siya sa baybayin ng Lawa ng Genesaret. Nakita niya noon ang dalawang bangka sa baybay. …Kaya sumakay siya sa isa rito na pag-aari ni Simon at hiniling dito na lumayo ng kaunti mula sa dalampasigan. Umupo siya at mula sa bangka’y sinimulang turuan ang maraming tao. Matapos siyang magsalita, sinabi niya kay Simon: “Pumalaot ka at ihulog ninyo ang inyong mga lambat para humuli.” “Guro, buong magdamag kaming nagpagod at wala kaming nakuha pero dahil sinabi mo, ihuhulog ko ang mga lambat.” At nang gawin nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda. … Kaya kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka para lumapit at tulungan sila. …At pinuno nila ang dalawang bangka hanggang halos lumubog ang mga iyon. Nang makita ito ni Simon Pedro, nagpatirapa siya sa harap ni Jesus at sinabi: “Lumayo ka sa akin, Panginoon, sapagkat taong makasalanan lamang ako.” …Ngunit sinabi ni Jesus kay Simon: “Huwag kang matakot; mula ngayo’y mga tao ang huhulihin mo.” Kayat nang madala na nila ang mga bangka sa lupa, iniwan nila ang lahat at sumunod sa kanya.
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. “Huwag kang matakot; mula ngayon ay mga tao na ang huhulihin mo.” Ito ang paanyaya ni Hesus kay Pedro. Mula sa pagiging mangingisda, patungo sa panghuhuli ng tao upang sumunod kay Hesus. Mga kapatid, nakatutuwa ang pamamaraan ng Diyos ng paggabay sa atin tungo sa higit na mabungang buhay gamit ang mga kakayahan at kaalamang likas na sa atin. Gaya ko po. Iniwan ko ang pagtuturo upang maging madre. Ngayon, pagtuturo pa ring maituturing itong pagbibigay ko ng reflection dito sa Bagong Umaga, pero hindi na limitado sa apat na sulok ng classroom ang aking tinig. Kaya mahalaga na marunong tayong makiramdam at makinig sa bulong ng Banal na Espiritu na ating gabay. Huwag tayong matakot tumugon ng YES kay Lord dahil alam Niya kung anong misyon ang bagay sa ating kakayahan at personalidad. Sabi ni Fr. Thomas Green, there is a big difference between working for God and doing God’s work. Minsan kasi pagod na pagod tayo sa mga gawaing hindi naman pala kalooban ng Diyos. We are only feeding our pride. Mga kapatid, mas magiging masaya at mabunga ang ating buhay kung kasama natin si Jesus sa pamamalakaya sa dagat ng buhay.