EBANGHELYO: Lk 5:33-39
Sinabi ng mga Pariseo at mga guro ng Batas kay Jesus: “Madalas mag-ayuno at may mga panalangin ang mga alagad ni Juan, at gayon din naman ang mga alagad ng mga Pariseo; kumakain naman at umiinom ang mga iyon.” Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi ninyo mapag-aayuno ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo, di ba? Ngunit darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.” Sinabi pa ni Jesus sa kanila ang isang talinghaga: “Walang pumuputol ng panagpi mula sa bagong damit at itinatagpi sa lumang damit. Kung hindi’y napupunit na ang bago at hindi pa magiging bagay sa lumang damit ang tagping mula sa bago. At wala ring naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung hindi’y sisirain ng bagong alak ang mga lumang sisidlan kaya matatapon ang alak at masisira pati mga sisidlan. Sa halip ay sa mga bagong sisidlan dapat ilagay ang bagong alak. Hindi naman humihingi ng bagong alak ang umiinom ng luma, sinasabi nga niya: ‘Ang luma ang siyang mabuti.’”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Fr. Brian Tayag ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Maraming pagkakataong nakikipagtalo si Hesus sa mga Pariseo, dahil ang pananaw niya sa buhay ay iba – makabago ito at radikal. Katulad ng tagpo na narinig natin sa Ebanghelyo ngayon. Hindi natin masisisi ang mga Pariseo sa kanilang komento at pagpuna. Dahil para sa mga Hudyo ang pag-aayuno ay pagpapakita ng kabanalan. Kaya naman nagsusumikap silang gampanan ito! Kawalang respeto sa Diyos ang turing nila sa mga hindi nag-aayuno. Pero, may malalim na dahilan si Hesus sa pagtangging mag-ayuno ng mga alagad. Ang imahen ng isang kasal! Isang kabalintunaan ang mag-ayuno sa gitna ng isang masayang pagdiriwang. Tinutukoy niya sa pagkakataong ang gagawin niyang pagpapakasakit, at doon magsisimula ang pag-aayuno ng mga alagad. Mga kapatid, tamang panahon at oras ang hinihingi sa atin. Huwag tayong magmadali, baka tulad ng isang bungang mangga, maasim ito kapag hinog sa pilit, pero kapag tama sa panahon ang paghinog, siguradong matamis ito. Gawin ang dapat sa panahong kinakailangan.