Daughters of Saint Paul

SEPTEMBER 5, 2020 – SABADO SA IKA-22 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO:  Lk 6:1-5

Isang Araw ng Pahinga, naglalakad si Jesus sa bukirin ng trigo. Nangyari na hinimay ng kanyang mga alagad ang mga butil sa pagkiskis sa kanilang mga kamay, at kinain ang mga ito. Sinabi ng ilang Pariseo: “Bakit n’yo ginagawa ang ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga?” Ngunit nagsalita si Jesus at sinabi niya sa kanila: “Hindi ba n’yo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at kanyang mga kasama? Pumasok siya sa Bahay ng Diyos, kinuha ang tinapay na inihain para sa Diyos, kinain ito at binigyan pa ang kanyang mga kasamahan, gayong bawal itong kainin ninuman liban sa mga pari.” At sinabi pa niya sa kanila: “Panginoon ng Araw ng Pahinga ang Anak ng Tao.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Vhen Liboon ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Mahigpit na ipinagbabawal ng mga Pariseo/ ang gumawa ng kahit ano sa Sabat/ o Araw ng Pamamahinga/ kaya ang ginawang pagpitas ng trigo/ ng mga alagad ni Hesus/ ay labag sa kautusan. Sa sinabi ni Hesus/ na “Ang Anak ng Tao ay Panginoon/ ng Araw ng Pamamahinga,” ipinapakilala niya sa mga Pariseo/ ang tunay nyang katauhan at kapangyarihan. Bilang “Anak ng Tao”/ pinayagan ni Hesus ang kanyang mga alagad/ na pumitas ng trigo/ kahit Araw ng Pamamahinga/ upang maibsan ang kanilang gutom. Sa ginawang ito ni Hesus/ ipinakita niyang mas mahalaga para sa kanya/ ang tugunan ang pangangailangan ng tao/ sa halip na sumunod sa mga regulasyong/ itinakda nang iilan/ na hindi na makatwiran/ at di isinasaalang-alang/ ang kabutihan ng karamihan. Mga kapatid, ang Mabuting Balita ngayon, ay nananawagan sa mga taong, binigyan ng kapangyarihang gumawa ng Batas o regulasyon/ at magpatupad nito, gaya ng mga namamahala sa gobyerno, sa mga ospital, sa mga kumpanya, sa simbahan at sa iba pang institusyon, na sa anumang sitwasyon, kailangang pahalagahan at isaalang-alang, ang buhay ng tao at ang kabutihan ng karamihan. 

PANALANGIN:

Panginoon, itinataas po namin sa inyo ang mga namumuno sa amin. Bigyan nawa ninyo sila ng kaliwanagan ng pag-iisip upang makatwiran nilang magampanan ang kanilang mga tungkulin. Idinadalangin din po namin ang patuloy na pakikipagtulungan namin sa isa’t isa upang isang bayan kaming makabangon mula sa krisis na nararanasan namin sa kasalukuyan. Amen.