EBANGHELYO: Mt 18:15-20
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: Kung nagkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo s’ya at kausapin nang sarilinan; at kung makinig s’ya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid. Kung hindi naman s’ya makinig sa iyo, magsama ka ng dalawa o tatlo para lutasin ang kaso sa pagsaksi ng dalawa o tatlo. Kung tatanggi s’yang makinig sa kanila, sabihin ito sa Iglesya; at kung hindi pa rin s’ya makikinig sa Iglesya, ituring s’yang pagano o publikano. Talagang sinasabi ko sa inyo: ang talian ninyo sa lupa ay matatali rin sa Langit, at ang kalagan ninyo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit. Sinasabi ko rin sa inyo: kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa Langit. Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa Pangalan ko, kapiling nila ako.”
PAGNINILAY:
Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, mula sa panulat ni Fr. Rolly Garcia, Jr., Director ng Biblical Apostolate ng Archdiocese of Manila. Mahirap gawin ang magtama ng kapwa. Hindi madaling sabihin sa isang tao na “mali ka” lalo’t higit kung malapit sa atin ang taong tinutukoy. Madalas, ayaw nating magtama dahil ayaw nating makasakit ng damdamin. Sa Ebanghelyo ngayon, ipinapa-alala ni Hesus na isang mabuting gawain ang pagtatama sa kapwang nagkakasala. Ginagawa ito ng sinumang mayroong malasakit sa kanyang kapatid. Kapahamakan ang kahahantungan ng sinumang namumuhay sa kasalanan. Sino ba naman ang magnanais na mapahamak ang isang minamahal? Kaya naman tinuro ni Hesus ang mga hakbang sa pagtatama sa kapwang nagkamali. Una, kausapin mo ito. Kung hindi makinig sa iyo, tumawag ka nang kasama. Kung hindi pa rin makinig, hayaan na ang simbahan ang siyang magtama sa kanya. Para na ring sinabi ni Hesus, huwag kang susuko alang-alang sa kabutihan ng iyong kapatid.// Hirap ka rin bang magtama ng iyong kapwa? Kung sakaling kailangan mong itama ang iyong kapatid, siguraduhin mong malasakit ang dahilan at hindi galit. Nagtatama tayo ng kapatid dahil sa malasakit at pag-ibig, hindi upang pahiyain o patunayan na mas magaling tayo sa kanya. Kung malasakit at pag-ibig ang dahilan, tiyak akong mararamdaman iyan ng kapwang itinatama. At sino ba naman ang makatatanggi sa pag-ibig? Iyan ang magiging daan sa kanyang pagbabago. Amen.