Daughters of Saint Paul

SEPTEMBER 7, 2020 – LUNES SA IKA-23 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO:    Lk 6:6-11

Sa iba namang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. May isang lalaki na hindi maigalaw ang kanang kamay. Pinagmamasdan s’ya ng mga guro ng Batas at mga Pariseo, at baka pagalingin ito ni Jesus sa Araw ng Pahinga at nang maisakdal nila s’ya. Ngunit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi n’ya sa lalaking hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka’t  tumayo sa gitna.” Tumindig nga ito at tumayo roon. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Matanong ko nga kayo: ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” Tiningnan n’ya silang lahat sa paligid at sinabi sa tao: “Iunat mo ang iyong kamay.” Ginawa n’ya ito at gumaling ang kanyang kamay. Galit na galit naman sila at magkakasamang nag-usap-usap kung ano ang magagawa nila kay Jesus.

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Carmel Galula ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Narinig natin sa Ebanghelyo na binigyang halaga ni Hesus ang paggawa ng kabutihan sa Araw ng Pahinga.  Para sa Kanya, ang pagsunod sa kalooban ng Diyos Ama at ang paggawa ng kabutihan kahit Araw ng Pahinga ang mas mahalaga, kesa sa istriktong pagpapatupad ng batas ng Araw ng Pahinga.  Sinabi pa ni Hesus na, “Itinakda ang Araw ng Pamamahinga para sa kabutihan ng tao; at hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga” (Markos 2:27).  Ngayong panahon ng pandemya, marahil marami sa atin ang nag-dadalawang isip tumulong sa kapwa dahil natatakot tayong mahawaan ng virus. Sino nga ba naman ang hindi natatakot sa nakamamatay na virus na ito? Lagi nating naririnig ang mga paalala na wash your hands, wear face mask, observe social  at physical distancing, bawal lumabas etc…etc… na kung susundin natin ang mga protocols na ito, paano pa tayo makatutugon sa paanyaya ni Hesus na gumawa ng kabutihan sa ating kapwa? Mga kapatid, maraming paraan upang makagawa ng kabutihan sa ating kapwa kung gugustuhin natin. Ika nga ng kasabihan, “Charity begins at home.”  Ngayong lockdown tayo sa ating mga tahanan, sana ay hindi din ma lockdown ang ating puso’t kalooban na gumawa ng kabutihan para sa iba.  Simulan natin ito sa ating pamilya! Sa mga maliliit na gawaing bahay, sa pagpapakita ng mabuting halimbawa sa bawat isa. At sa mga mahilig gumamit ng social media, ayan nah, gamitin nyo ito sa kabutihan upang makatulong sa kapwa lalong-lalo na sa pagbibigay inspirasyon sa ating mga frontliners na alam nating pagod na pagod na. Gawin na natin to! Ngayon na! ‘Wag nang ipagpabukas pa! Amen.