Daughters of Saint Paul

SEPTEMBER 8, 2020 – MARTES SA IKA-23 LINGGO NG TAON | Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria

EBANGHELYO:    Mt 1:1-16, 18-23

Si Jacob ang ama ni Jose — ang asawa ni Maria na s’yang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo. Ito ang pangyayaring napapaloob sa kapanganakan ni Jesucristo.  Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa nagdalantao na s’ya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga s’ya at ayaw n’ya itong mapahiya. Habang iniisip-isip n’ya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya s’ya naglihi, at manganganak s’ya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat s’ya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanyang kasalanan.” Kaya pagkagising ni Jose, ginawa n’ya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap n’ya ang kanyang asawa.

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Fr. Brian Tayag ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Tayong lahat ay nagdiriwang at nagagalak sa pagsilang ng isang bata. Masaya tayo dahil may isa na namang miyembro ang pamilya. Ngayong araw, ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria. Sa dokumentong Marialis Cultus, taong 1972, sinabi ni Pope Paul VI ukol sa pagsilang ni Maria: “Mary’s nativity is a cause for great joy as it is considered the” dawn of our salvation.” Ano ang kahalagahan ng pagdiriwang na ito? Dahil balot sa kadiliman at kasalanan ang mundo, parang isang makinang na ilaw ang pagdating ni Maria. Ang ilaw na ito ay isang hudyat na malapit nang dumating ang ipanangakong manliligtas sa bayang Israel – ang totoong ilaw na babalong at paparam sa mundong balot sa kadiliman – si Kristo. Hudyat din ng kapanganakan ni Maria ang simula ng isang mas mahusay na mundo. Inilarawan ni San Agustin ang pagsilang sa Birheng Maria bilang isang kosmikong kaganapan at makasaysayang kaganapan. Isang naaangkop na pasimula sa pagsilang ni Hesukristo. “She is the flower of the field from whom bloomed the precious lily of the valley,” aniya. Dagdag pa ni San Agustin, “through her birth, the nature inherited from our first parents is changed.”