EBANGHELYO: Lk 6:20-26
Tumingala si Jesus sa kanyang mga alagad at sinabi: “Mapapalad kayong mga dukha sapagkat sa inyo ang Kaharian ng Diyos. Mapapalad kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat bubusugin kayo. Mapapalad kayong mga umiiyak ngayon, sapagkat tatawa kayo. Mapapalad kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at itinatakwil at iniinsulto, at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at lubos na magalak sa araw na iyon sapagkat malaki ang inyong gantimpalang nasa Diyos; gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga Propeta. Ngunit sawimpalad kayong mga mayayaman sapagkat tinatamasa na ninyo ang inyong ginhawa! Sawimpalad kayong mga busog ngayon, sapagkat magugutom kayo. Sawimpalad kayong humahalakhak ngayon sapagkat magluluksa kayo at iiyak! Sawimpalad kayo kapag pinag-uusapan kayo nang mabuti ng lahat ng tao dahil ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.”
PAGNINILAY:
Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Vhen Liboon. Pag-asa: ‘yan ang nais ipahatid ng Mabuting Balita ngayon. Maaaring madilim at di-tiyak na kinabukasan ang nakikita natin ngayon dahil ramdam pa rin natin ang malupit na epekto ng Covid 19. Nananangis pa din ang mga taong namatayan ng mga mahal sa buhay. Patuloy pa ring tumataas ang bilang ng mga nawawalan ng trabaho. Nananatili pa rin ang banta ng pagkahawa sa di nakikitang virus na ito. Pero huwag natin hayaang huminto dito ang takbo ng buhay. Isa lamang itong yugto at magiging bahagi ng kasaysayan. Sa ngayon, magtiwala tayo sa awa ng Diyos. Malalagpasan din natin ito. Kapit pa. Kapit lang. Hindi tayo bibitawan ng Diyos kaya huwag tayong bumitiw sa kanya.
PANALANGIN:
Panginoon, bagama’t nasa alangin kaming sitwasyon ngayon at hindi namin nakikita ang liwanag sa madilim na ulap ng kawalan ng pag-asa, pag-aalala, at pangamba, iparamdam po ninyo sa amin ang inyong presensya. Manatili nawa kaming naniniwala sa inyong kabutihan at sa kabutihan ng aming kapwa. Salamat po dahil kahit maraming hindi magagandang balita kaming napapanood at naririnig, may mga kwento pa rin ng kabayanihan, pagmamahal, pag-asa at kabutihan kaming nababalitaan, naririnig, at personal na nararanasan. Salamat po, Panginoon. Salamat. Amen.