Daughters of Saint Paul

Setyembre 1, 2017 BIYERNES sa Ika-21 Linggo ng Taon

1 Tes. 4:1-8, Ps. 97:1,2b,5-6,10,11-12, Mt 25:1-13

Mt 25:1-13

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tinutukoy ng kuwentong ito ang mangyayari sa Kaharian ng Langit. Sampung abay na dalaga ang lumabas na may dalang lampara para sumalubong sa nobyo. Hangal ang lima sa kanila, at matalino naman ang lima pa. Dinala ng mga hangal na abay ang kanilang mga lampara nang walang reserbang langis. Ngunit dinala naman ng matatalino ang kanilang mga lampara na may reserbang langis. Natagalan ang nobyo kaya inantok silang lahat at nakatulog. Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: ‘Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin siya!’ Nagising silang lahat noon at inihanda ang kanilang mga lampara. Sinabi ng mga hangal sa matatalino: ‘Bigyan naman ninyo kami ng inyong langis dahil mahina na ang ningas ng aming mga lampara.’ Sumagot ang matatalino: ‘Baka kulangin ang langis para sa amin at para sa inyo. Mabuti pang pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili para sa inyo.’ Nakaalis na sila para bumili nang dumating ang nobyo; ang mga handa na ay sumama sa nobyo sa kasalan, at isinara ang pinto. Pagkatapos ay saka dumating ang iba pang mga dalaga at tumawag: ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami!’ Ngunit sumagot siya: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo kilala.’ Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras.”

PAGNINILAY

Para sa maraming kabataan, marahil wala pang masyadong dating ang babala ng ebanghelyo ngayon. Dahil feeling nila, napakabata pa nila para paghandaan ang buhay sa kabila.  Kaya marami sa kanila ang namumuhay na parang walang Diyos, na parang walang katapusan ang buhay.  Gimik rito, gimik roon. Okey lang naman ako.  Inom dito, inom doon.  Kaya ko naman ang sarili ko.  Puyat dito, puyat doon.  Nagba-vitamins naman ako.  Ito ang tinatawag na super youth mentality.  Habang bata pa, at walang nararamdaman, inaabuso ang sarili.  Pakiramdam nila sila si Superman.  Hanggang isang araw, na-diagnose ng kanser sa baga, naging diabetic; o kaya’y halos mamatay sa isang aksidente.  At doon lang nila, napagtanto na tao lamang pala sila, na sa isang iglap, maaari silang mamatay.  Mga kapatid, babala ang ebanghelyo ngayon hindi lang para sa mga kabataan, kundi para sa ating lahat – na huwag aabusuhin ang katawan sa bisyo o sa sobrang pagtatrabaho.  Dahil baka tayo magkasakit, at kulang pang pampagamot ang perang naipon natin.  At katulad ng limang matatalinong abay, punuin natin ng langis ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa ang lampara ng ating buhay – nang maging laging handa tayo anumang oras dumating ang Panginoon sa ating buhay.