Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 1, 2021 – MIYERKULES SA IKA -22 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 4:38-44

Pag-alis ni Jesus sa sinagoga, nagpunta siya sa bahay ni Simon. Inaapoy ng lagnat ang biyenang babae ni Simon. Kayat pinakiusapan nila siya tungkol sa kanya. Pagkayuko ni Jesus sa kanya, inutusan niya ang lagnat at nilisan siya nito. Kaagad siyang tumindig para maglingkod sa kanila.                                                Paglubog ng araw, dinala naman sa kanya ng lahat ng tao ang kasama nilang mga may sakit ng iba’t ibang karamdaman. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. Lumabas ang mga demonyo mula sa maraming tao at pasigaw na sinabi ng mga ito: “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit pinatahimik niya sila at di pinahihintulutang magsalita dahil alam ng mga ito na siya ang Mesiyas. Nang mag-uumaga na, lumabas si Jesus at pumunta sa isang ilang na lugar. Ngunit pinaghahanap siya ng maraming tao, at nang matagpuan siya’y sinikap nilang hadlangan na makaalis pa siya sa kanila. Pero sinabi niya sa kanila: “Dapat ko ring ipahayag ang Mabuting Balita ng paghahari ng Diyos sa iba pang mga bayan; ito ang dahilan kung bakit ako isinugo.” At nagpatuloy siyang mangaral sa mga sinagoga ng Judea.

PAGNINILAY

Dalawang puntos ang nais kong bigyang pansin sa ebanghelyo. Una, pinagaling ni Hesus ang biyenang babae ni Pedro, at ang kanyang tugon – paglilingkod. Pangalawa, ang katotohanang si Hesus lamang, ang dakilang manggamot na makapagbibigay sa atin ng tunay na kagalingan. Unang punto, kung pinagaling ka ng Panginoong Hesus, ano ang tugon mo sa tinanggap na kagalingan? Noong nagkasakit ako ng cancer, taon 2014 at nakarecover; at nabalian ng buto at napilay noong 2019 dahil sa car accident, pero nakalakad ulit ng normal – tinanaw ko itong malaking utang na loob sa Diyos at tanda ng kanyang habag at pagmamahal sa akin. Kaya naman, taos-puso ang pasasalamat ko sa Diyos, at itinuring ko ang buhay ko ngayon na extension lamang, na marapat gamitin sa kabutihan, at sa mga gawaing paglilingkod sa Diyos at sa kapwa. Pangalawang punto, ang katotohang sa Diyos lamang tayo makakatagpo ng ganap na kagalingan, sa krisis pangkalusugang patuloy nating kinakaharap. Kaya sa Panginoon natin ibigay ang lubos na pagtitiwala at pag-asa, na pagagalingin niya tayo at ang buong mundo sa sakit na covid sa panahong kanyang itinakda.  (At kapag pinagaling na tayo ng Panginoon at nakabalik na sa normal ang ating buhay, ano naman ang maipangangako natin sa Kanya?)

Marahil marami na sa atin ang naiinip sa pagtugon ng Panginoon. Bakit ang tagal-tagal naman, hirap na hirap na kami, andami nang namamatay, nawalan ng trabaho, bakit hindi pa rin dinirinig ng Diyos ang ating taimtim pagsamo? Lord, nandyan ka pa ba?  Ako man po ay walang maisasagot sa mga tanong na ito. Pero, hindi kaya, may nais pang ituro ang Panginoon sa patuloy nating nararanasang krisis? Pansinin natin ang mundo ngayon sa gitna ng krisis. May nagbago ba sa pag-uugali ng tao? Nakitaan ba tayo ng pagpapakumbaba, taos-pusong pagsisisi at pagbabagong-loob? Suriin mo ang sarili, kapatid, paano ka binabago nang nagpapatuloy na pandemya?