Daughters of Saint Paul

Setyembre 10, 2017 Ika-23 LINGGO sa Karaniwang Panahon

 

Ez 33:7-9 – Slm 95 – Rom 13:8-10 – Mt 18:15-20

Mt 18:15-20

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:  “Kung nagkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan; at kung makinig siya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid. Kung hindi naman siya makinig sa iyo, magsama ka ng dalawa o tatlo. Kung tatanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa Iglesya; at kung hindi pa rin makikinig sa Iglesya, ituring siyang pagano o publikano. Talagang sinasabi ko sa inyo: ang talian n’yo sa lupa ay matatali rin sa Langit, at ang kalagan n’yo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit. Sinasabi ko rin sa inyo: kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa Langit. Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa Ngalan ko, kapiling nila ako.”

PAGNINILAY

Ang Ebanghelyong ating narinig hindi usapin tungkol sa pagpapatawad, kundi kung ano ang nararapat gawin upang itama ang pagkakamali ng isang kapatid sa pananampalataya.  Ang pagwawasto sa pagkakamaling ito, tungkulin at pananagutan ng bawat isang Kristiyano sa isa’t isa.  Kaya hindi maka-Kristiyano na namumutawi sa ating mga labi ang “huwag mo akong pakialaman,” o kaya nama’y “hayaan mo siya, buhay n’ya ‘yon, pakialam ko sa kanya,” lalo pa nga’t ang buhay-moral ang usapin.  Ang tanong:  Paano natin isasagawa ang pagwawasto?  Sinasabi sa Ebanghelyo na ang unang hakbang, kausapin ng sarilinan ang taong kasangkot.  Kapag hindi nagtagumpay ang hakbang na ito, maaaring magsama pa ng isa, hindi upang magkaroon ng dalawang tutuligsa sa nagkamali.  Ang tungkulin ng ikatlo, pumagitna at hindi upang kumampi.  Malaki ang posibilidad na may makitang ibang anggulo sa pagkakamali kung tatlong tao ang mag-uusap.  Kapag hindi pa rin nagtagumpay ang hakbang na ito, maaari na itong isangguni sa sambayanan.  Bakit?  Dahil, hayag man o hindi, may epekto sa buong sambayanan kung mayroong hindi pagkakasundo o pagkakaunawaan ang mga kasapi nito.  Kapag nagtagumpay ang pag-uusap sa tatlong hakbang na nabanggit, dito na papasok ang usapin ng pagpapatawad.  Mga kapatid, hindi kailanman makakamit ang pagkakasundo at pagpapatawaran kung hindi mag-uusap nang masinsinan ang magkabilang panig.  Napakahalaga rin na gawin ang pag-uusap sa mapayapang paraan, walang halong galit sa puso at may kahandaang makinig.  Higit sa lahat, napakahalagang manalangin bago isagawa ang pag-uusap, nang kasihan tayo ng Banal na Espiritu ng grasya sa wastong pakikipagkasundo.