EBANGHELYO: LUCAS 6:12-19
Umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. Nang nag-umaga na, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: Si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaime na anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo. Pagkababa kasama nila, tumigil si Jesus sa isang patag na lugar. Naroon ang maraming alagad niya, at napakarami ring tao mula sa buong Judea at Jerusalem at mula sa baybaying dako ng Tiro at Sidon ang dumating para makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Gumaling din ang mga pinahihirapan ng masasamang espiritu. Kayat sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya dahil may kapangyarihang lumalabas sa kanya, na nagpapagaling sa lahat.
PAGNINILAY:
Isang beses, nagdadasal ako nang lumapit yung isa kong pamangkin: “Tita Madre, ano pong ginagawa nyo?” “Nagdadasal.” “Eh bakit po tahimik kayo?” Ipinaliwanag ko sa kanya na may dasal na kasama ng iba o communal prayer – na nagsasalita, at meron din yung personal na tahimik lang. Kinandong ko siya at inilagay ang aking kamay sa kanyang braso. Kusa naman niyang idinantay ang ulo niya sa aking balikat. Sabi ko sa kanya: “Minsan, ang dasal ay pakikinig sa pagmamahal ng Diyos, gaya mo ngayon. Tahimik ka pero kinakalong at yakap ka niya. Madalas hindi mo kailangang magsalita – sapat na ang makinig sa kanya at magmahal.” Nanatili kaming ganon ng ilang minuto bago siya tumakbong paalis ng kwarto. Naunawaan kaya niya kung ano ang panalangin? Marahil ay hindi – pero alam niya kung ano ang pakiramdam ng minamahal. Tinuruan ni Jesus ang mga alagad na magdasal, pero siya ang unang nagdasal. Makikita natin na sa bawat mahalagang yugto sa buhay ni Jesus, nauuna lagi ang panalangin, gaya ng ebanghelyo ngayon. Buong gabi siyang nanalangin bago niya tinawag ang mga apostol. Kapanalig, kailangan natin pagtibayin ang ugnayan natin sa Ama – at walang ibang paraan kundi ang panalangin. Araw-araw, hingin natin ang biyaya at gabay niya nang may tiwala at pagmamahal. Amen.-Sr. Rose Agtarap, FSP