Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 10, 2023 – IKA-23 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (A)         

BAGONG UMAGA

Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa ika-dalawampu’t tatlong Linggo sa Karaniwang panahon ng ating Liturhiya.  Pasalamatan natin Siya sa isang Linggong nagdaan, sa mga biyaya at pagpapala, lalo na sa patuloy Niyang pag-iingat at paggabay sa atin hanggang sa sandaling ito. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.   Maririnig natin ang turo ng Panginoon tungkol sa tamang pakikitungo sa mga taong nagkasala sa atin, sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labinwalo, talata labinlima hanggang dalawampu.

EBANGHELYO: Mt 18:15-20

Sinabi ni Juan sa kanyang mga alagad: Kung nagkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan; at kung makinig siya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid. Kung hindi naman siya makinig sa iyo, magsama ka ng dalawa o tatlo. Kung tatanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa Iglesya; at kung hindi parin makikinig sa Iglesya, ituring siyang pagano o publikano. Talagang sinasabi ko sa inyo: ang talian n’yo sa lupa ay matatali rin sa Langit, at ang kalagan n’yo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit. Sinasabi ko rin sa inyo: kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa Langit. Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa Ngalan ko, kapiling nila ako.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Brian Tayag ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Ngayong araw, binibigyang-diin ni Hesus ang kahalagahan ng pagpapatawad at pagkakaisa. Sa Ebanghelyo, itinuturo sa atin ni Hesus ang tamang proseso ng pagtutuwid ng mali o pagkakasala sa pagitan ng mga magkapatid sa pananampalataya. Una, ipinapaalala sa atin ni Hesus/ na kailangang lapitan natin ng tahimik at may pagmamahal/ ang ating kapatid kung nagkasala ito. Hindi dapat agad natin itong i-marites sa iba/ o ipagkalat sa social media. Kundi, ibahagi natin ang mga pangyayari nang may pagmamahal/ at layuning ayusin ang pagkakamali. Pangalawa, kung sakaling hindi pa rin magka-ayos, dalhin natin ito/ sa harap ng iba pang mga kapatid. Magsama tayo ng mga taong/ may mabuting layunin at malasakit sa pagtutuwid. Huwag natin itong ikahiya, dahil ito’y para rin sa ikabubuti ng lahat. Pangatlo, sa oras na hindi pa rin matapos ang pag-uusap, isama na natin sa simbahan. Hayaan nating maging bahagi ng proseso ang ating komunidad/ upang maging patas at wasto ang paglutas sa anumang pagkakamali. Magkagayon, binibigyang-pansin natin/ ang napakagandang pangako ni Hesus: “Kung dalawa sa inyong magkakasundo dito sa lupa/ hinggil sa alinmang bagay na hihingin, ito’y ibibigay sa kanila ng aking Amang nasa langit.” Muli, ipinapaalala sa atin ni Hesus/ na ang pagkakaisa at pagtutulungan/ ay nagdadala ng kapangyarihan at pagpapala mula sa Diyos. Mga kapatid, alalahanin natin ang mensahe ng Ebanghelyo ngayon: magpatawad, maging tapat, at magkaisa. Sa ganitong paraan, mapananatili natin/ ang pagiging maligaya at mapayapa sa ating mga puso at isipan, dahil binubuklod tayo ng pag-ibig at biyayang mula sa ating Panginoon.